274 total views
Dalawang karapatan at aspekto sa konstitusyon ang maaring malabag kung tuluyang suspendihin sa ikalawang pagkakataon ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections at magtalaga na lamang ng mga magsisilbing opisyal ng barangay.
Ayon kay National Citizens’ Movement for Free Elections o NAMFREL Secretary General Eric Alvia, bukod sa labag sa Saligang Batas ang mag-appoint ng mga Barangay Officials na kabilang sa mga ‘elective positions’ ay makalalabag din ito sa karapatan sa pagboto o rights to suffrage at right to seek public office ng mga mamamayan.
“the principle behind that is that you have to have regularity of elections and besides its one of those few remaining rights of individuals or citizens to determine their future, elect their public officials it indigence on two aspects on the constitutions also, the rights to suffrage and the right to seek public office…” pahayag ni Alvia sa panayam sa Radio Veritas.
Dahil dito, naaangkop na masusing pag-aralan ang naturang panukala lalo’t kung tuluyang masuspendi ang halalang pangbarangay ay pangalawang pagkakataon na.
Giit pa ni Alvia, mas kilala at tukoy ng mga residente ang kanilang mga kabarangay na sangkot sa droga kaya’t mas naangkop na ibigay sa mga mamamayan ang kapangyarihang maghalal ng mga karapat-dapat na opisyal.
Sa inihayag na datus ni Pangulong Duterte mula sa kabuuang 42,065-na mga barangay sa Pilipinas ay nasa 40-porsyento ng mga kapitan sa Barangay ay sangkot sa illegal drug trade.
Naunang nanindigan si Novaliches Bishop emeritus Teodoro Bacani na isang gripping authoritarianism ang hakbang ng Pangulong Duterte na ipagpaliban ang Barangay at SK elections.
Kaugnay nito, naninindigan ang Simbahang Katolika na maibabalik lamang ang kaayusan at katapatan sa panunungkulan kung tuluyang maibabalik ang Diyos bilang sentro ng ating lipunan.