178 total views
Muling isinailalim ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa Enhanced Community Quarantine ang buong lalawigan ng Bataan simula ngayong araw, Agosto 8 hanggang 22.
Ito’y bunsod ng muling pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa lalawigan gayundin sa bilang ng nahawaan ng Delta variant.
Dahil dito, ipinag-utos ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang pagpapaliban sa pagsasagawa ng mga religious activities sa buong Diyosesis ng Balanga bilang pagtalima sa panuntunan ng IATF sa ilalim ng ECQ at upang matiyak din ang kaligtasan ng mga mananampalataya laban sa virus.
“Now that ECQ status has been approved by national IATF, religious gatherings are prohibited. From August 8-22, 2021, let us abide by and follow the national IATF protocols especially on religious gatherings,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos.
Hinikayat rin ni Bishop Santos ang mga parokyang sakop ng Diyosesis na suspendihin muna ang pagdiriwang ng mga Sakramento tulad ng binyag at kasal, habang patuloy namang isasagawa ang mga Banal na Misa sa pamamagitan ng online live streaming.
“Thus, let us close our Parish Churches for public Sacramental celebrations. Holy Masses will only be online, live streaming with very limited attendees such as lector, choir of three and our in-house personnel. We suspend Baptisms and reset Weddings,” ayon sa Obispo.
Batay sa tala ng Bataan Provincial Health Office, umabot na sa kabuuang bilang na 14,643 ang mga nagpositibo sa COVID-19 sa buong lalawigan kung saan 1,974 rito ang aktibong kaso, habang 16 naman ang naitalang nagpositibo sa Delta variant.
Samantala, umabot na rin sa mahigit 122,000 mamamayan ng lalawigan ang nakatanggap na ng first dose ng COVID-19 vaccine, habang nasa higit 115,000 naman ang kumpleto na sa bakuna.