178 total views
Hindi nararapat na magtalaga ang pamahalaan maging si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng magsisilbing Kapitan o pinuno ng mga barangay dahil sa pagpapaliban ng inaasahang Barangay at SK Elections.
Ito ang binigyang diin ni UP Prof. Ronald Simbulan – Vice Chairman ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) kaugnay sa panukala ni House Minority Leader Danilo Suarez na pagpapahintulot kay Pangulong Duterte na magtalaga ng isang kinatawang pipili at mag-aapoint ng mga opisyal ng barangay na labag sa konstitusyon.
Paliwanag ni Simbulan, sa kabila ng pagpapaliban sa halalang pambarangay ay nararapat pa ring ang mga mamamayan mismo sa pamayanan ang mamili at magluklok ng pinuno at lider na mas pagkakatiwalaan ng buong pamayanan alinsunod na rin sa umiiral na demokrasya sa bansa.
“Hindi maganda yun, kasi application ang Barangay Elections, parang grassroots democracy so it’s good for people to elect the ones who will directly govern them kasi very direct mas maganda kung yung nirerespeto nila, kakilala nila at pinagtitiwalaan yung mamuno sa kanila.…” pahayag ni Simbulan sa panayam sa Radio Veritas.
Samantala, matapos ang dalawang linggong muling pagbubukas ng registration, tinataya ng Commission on Elections na umabot sa 2-milyon ang mga nagparehistro para sa halalang pambarangay.
Sa datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB) tinatayang umaabot sa 42,027 ang kabuuang bilang ng mga barangay sa Pilipinas.
Sa bilang na ito, pinakamarami ang mga barangay sa Region VIII (Eastern Visayas region) na umaabot sa 4,390; sumunod dito ang Region VI (Western Visayas) na may 4,051 barangay at ang Region IV-A (Calabarzon) na may 4,011 habang ang pinakakaunti naman ang bilang ng barangay sa Region XI (Davao region) na may 1,162 barangay lamang.
Kaugnay nito, naninindigan naman ang CBCP na ang pagboto ay isang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.