21,638 total views
Mga Kapanalig, dalawang impeachment complaints na ang isinampa laban kay VP Sara Duterte sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Ang impeachment ay isang legal na proseso ng pagpapatalsik mula sa puwesto ng isang lingkod bayan. Bahagi ito ng checks and balances kung saan pinananagot ng lehislatura ang mga kapwa nila lingkod-bayan sa ehekutibo at hudikatura sa ngalan ng taumbayan.
Ang unang nagsampa ng impeachment complaint ay isang grupong kinabibilangan ng mga dating opisyal ng gobyerno, kinatawan ng mga NGO, at mga relihiyoso. Inendorso ni Akbayan Representative Perci Cendaña ang kanilang reklamo. Naghain sila ng 24 articles of impeachment kung saan apat ay direktang paglabag umano sa Saligang Batas. Isa sa mga ito ay graft and corruption, kaugnay ng mga anomalya sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at iba pang pondo sa Department of Education. Inakusahan din si VP Sara ng bribery dahil sa ill-gotten wealth ng kanyang ama (na si dating Pangulo Rodrigo Duterte) na inilagak sa kanyang bank account. Inireklamo rin ang kanyang betrayal of public trust dahil bumiyahe siya sa Germany sa kasagsagan ng pananalanta ng bagyong Carina noong Hulyo. Isinangkot din siya sa extrajudicial killings ng kanyang ama, sa pagtatanggol sa sex trafficker na si Apollo Quiboloy, at sa hindi maipaliwanag na yaman at ari-arian. Batayan din daw ng pagpapatalsik kay VP Sara ang pagbabanta niya sa buhay ni Pangulong BBM at kanyang mga kaanak.
Ang pangalawang impeachment complaint ay mula sa mahigit 70 indibidwal, kasama ang ilang dating mambabatas. Inendorso ito ng tinaguriang Makabayan bloc na kinabibilangan ng mga kinatawan ng mga party-list groups na ACT Teachers, Gabriela, at Kabataan. Kasong betrayal of public trust ang pangunahing isinampa ng mga nagrereklamo laban sa bise. Hindi nalalayo ang kanilang mga dahilan sa unang complainants. Para sa kanila, makikita ang pagtataksil ng bise sa tiwala ng taumbayan nang abusuhin niya ang kanyang kapangyarihan sa paggamit ng confidential funds. Kinutya rin niya ang audit process ng utusan ng kanyang staff na magpasà ng fabricated documents (gaya ng mga resibong may kuwestyunableng pangalan katulad ng Mary Grace Piattos). Tahasan din daw niyang binastos ang mandato ng Kongreso dahil sa hindi niya pagsipot sa mga pagdinig at hindi niya pagsagot nang diretso sa mga tanong at minsa’y may pagbabanta pa. Dagdag ng mga complainants, malinaw na ang mga ginawang ito ng bise ay paglabag at pagtataksil sa kasunduan ng isang lingkod-bayan at taumbayan. Mabibigat na dahilan daw ang mga ito para patalsikin ang bise-presidente at pagbawalan nang humawak ng posisyon sa pamahalaan kailanman.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ang pampublikong opisina o posisyon ay kasunduan sa pagitan ng lingkod-bayan at taumbayan. Ang taumbayan ay ang pundasyon at pinagmumulan ng kapangyarihan ng mga lingkod-bayan. Dapat lamang igiit ng taumbayan ang kapangyarihang ito sa pamamagitan ng pagkilatis sa mga gawain ng mga lingkod-bayan at pagpapalit sa kanila, kung mapatutunayang hindi nila nagagampanan ang kanilang tungkuling itaguyod ang kabutihang panlahat o common good. Sa madaling salita, paalala ito sa lahat ng lingkod-bayan na ang taumbayan ang boss nila.
Nasusulat sa Roma 13:4: “Sapagkat siya’y lingkod ng Diyos sa ikabubuti mo.” Ibig sabihin, ang ikabubuti ng taumbayan ang pinakamataas na prayoridad dapat ng mga lingkod-bayan. Kung ipinakikita nila ito, doon lamang sila tunay na makapaglilingkod sa Diyos.
Mga Kapanalig, subaybayan natin kung uusad ang mga isinampang impeachment complaints. Alamin natin ang detalye ng mga ito. Pag-usapan natin ang isyu kasama ng ating mga kapamilya, kaibigan, katrabaho, o kaparokya. Siguruhin nating mangingibabaw ang katotohanan sa mga pag-uusap na ito. Kung magkakaroon man ng impeachment process, mapanagot dapat ang mga dapat managot sa taumbayan.
Sumainyo ang katotohanan.