1,937 total views
Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian – Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture at Energy ang tuluyang pagbabawal sa anumang operasyon ng Philippines Offshore Gaming Operators (POGO). Ayon kay Senator Gatchalian, ito ay dahil ilang beses ng napatunayan sa mga idinaos na pagdinig at imbestigasyon ang paglabag ng mga POGO sa batas.
“Kaya ang rekomendasyon ko sa ating mga Senador at sa ating executive na i-ban na yung POGO dahil tuloy-tuloy yung kriminalidad Father, at dapat wag tayong umakit ng mga negosyo na sisira sa lipunan natin dahil sa kriminalidad,” bahagi ng panayam sa Radio Veritas ni Senator Gatchalian.
Sa Programang ‘Veritasan’ kasama si Rev. Fr. Jerome Secillano, Rector ng EDSA Shrine at executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Public Affairs ay ibinahagi ng mambabatas ang mga dahilan kung bakit mariing tinututulan ang pagpapatuloy ng POGO sa Pilipinas.
Ayon sa Mambabatas, ito ay dahil narin sa pagtaas ng kaso ng patayan at kidnapping ng mga sindikatong nagpapatakbo ng POGO.
Kaakibat ito ng napakababang buwis na nasingil ng pamahalaan nung nakalipas na taon na umabot lamang sa mahigit 4-bilyong piso kumpara sa buwis na dapat ibayad sa ilalim ng batas ng Republic Act (RA) No. 11590 o ang POGO Tax Law na aabot sa 30 hanggang 40-bilyong piso dahil sa mga kaso ng ‘tax evasion’ ng mga nagpapatakbo ng POGO.
“Hinahabol ng ating BIR ngayon yung mga POGO na yung mga tawag nilang Service Providers pati yung 3rd Party Auditors ay hinahabol ngayon, ito ay lahat lumabas sa hearing, hindi naman namin inembento ito Father, lahat ito ay substantiated ng documentations, substantiated ng testimonies, lahat naman po ito nasa transcript,” bahagi pa ng panayam kay Senator Gatchalian.
Sa datos ng Mambabatas, 18-kaso na may kaugnayan sa POGO at human trafficking ang naitala na simula noong Enero 2022, habang patuloy din ang mga imbestigasyon sa mga pagdakip at pagpaslang sa mga Chinese, Vietnamese at Cambodians na sapilitang pinagtatrabaho sa Pilipinas sa mga POGO sites.
Kasama din sa mga iniimbestihahan aang iba pang mga kaso ng paglabag sa batas katulad ng human trafficking at pagpapahintulot sa mga banyagang makapasok sa Pilipinas sa kabilang ng kakulangan ng mga dokumento upang makapagtrabaho lamang sa POGO.
Sa kasalukuyan, inihayag ni Senator Gatchalian, aabot sa 16-libong Pilipino ang nagtatrabaho sa mga POGO Sites, habang noong 2019 ay aabot sa higit 100-libo ang mga POGO Workers, 20-libong sa talaan ang mga Pilipino at aabot naman sa mahigit 80-libo naman ang mga Chinese workers.
Muli ring nanindigan si Father Secillano na kailanman ay tutol ang simbahan sa anumang uri ng pagsusugal dahil imoralidad na idudulot nito na sisira sa lipunan, indibidwal at pamilya.