409 total views
Pumalag ang CBCP – Episcopal Commission on the Laity sa plano ng ilang ahensya ng gobyerno at mga ekonomista ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalan ng kapangyarihan ang National Food Authority o NFA na bumili at magbenta ng bigas.
Nangangamba si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng kumisyun, lalo’t magiging anti – poor ang administrasyon dahil maaring mawalan nang murang bigas sa merkado na ang pangunahing tumatangkilik nito ay ang mga mahihirap.
Paliwanag pa ni Bishop Pabillo, na pang – balanse ang presyuhan ng bigas ng NFA upang tapatan ang mahal na bentahan ng bigas na hindi kayang bilhin ng mga mahihirap na consumer at upang maiwasan ang monopolyo sa kalakaran sa bigas kung saan eklusibo o kontrolado lamang sa pribadong sektor ang isang produkto.
“Yung NFA ay isang pang – balance ng presyo para sa mga mahihirap. Kaya kung tatanggalin yan maapektuhan niya ay yung mga mahihirap. Yun ang problema diyan kasi wala naman silang tinutulong sa mga mahihirap ang gobyerno. At yun naman ang subsidy na ibinibigay diyan ay para sa mga mahihirap para hindi magkaroon ng ‘monopolyo’ ang mga may – ari ng pagtitinda ng bigas kaya may pang – balance sa presyo,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid naman na mayroong mahigit labin – pitong libong N-F-A outlets sa iba’t ibang rehiyon na nagbebenta ng pinaka – murang bigas.
Ang NFA rice ay binebenta sa presyong P27 hanggang P32 pesos kada kilo.
Sa katuruang panlipunan ng Simbahang Katolika maghalagang isa – alang – alang ang mga mahihirap sa anumang paggalaw ng presyo ng mga bilihin sa merkado.