179 total views
Taghirap kapanalig, kaya’t maraming mga negosyo ang naghihingalo o tuluyan ng nagsara sa ating bayan ngayon. Sa katunayan, ayon sa isang pag-aaral, marami pa ring mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ang patuloy pa ring nakakaranas ng mababang demand para sa kanilang produkto, at resulta nito, mababang kita.
Ang paghihirap ng MSMEs kapanalig, ay paghihirap ng buong bayan. Kung hindi niyo nalalaman, ang maliliit na negosyo gaya nila ay ang gulugod ng bayan. Sila ang pwersa ng ekonomiya ng ating bansa. Kung hindi sila makaka-ahon sa epekto ng pandemya, ang buong bayan ay patuloy na maghihirap.
Ang MSMEs ay nagbibigay hanapbuhay sa mahigit kumulang 63% ng mga manggagawa sa ating bayan. Dahil sa kanila, malaking bahagi ng ating labor force ang naitataguyod ang kanilang pamilya.
Isa sa mga paraan upang ating matulungan, kahit sa maliit na paraan, ang mga negosyo sa ating lipunan ay ang pagbili ng mga lokal na produkto. Unahin natin, kapanalig, ang pagtangkalik sa sariling atin – mga maliliit na tindahan sa ating komunidad na kailangan makabenta kahit kaunti para lamang dahan-dahang makapag-patuloy.
Ang ating pamahalaan naman ay malaki ang responsibilidad upang makabangon muli ang mga MSMEs. Mula sa mga stimulus package para sa mas maraming MSMEs hanggang sa pagbibigay tulong upang masiguro ang kalusugan ng kanilang manggagawa sa gitna ng pandemya.
Kailangan agarang masalba ang maraming mga MSMEs. Sa ngayon, madilim ang hinaharap ng ekonomiya ng bansa. Ayon sa Moody’s Analytics, hindi pa makakabalik sa pre-pandemic levels ang ekonomiya natin. Habang ating mga karatig-bayan ay unti-unti ng nakakabangon, ang Pilipinas, sa huling sangkapat o quarter ng 2022 pa makakabawi.
Kaya nga’t napakahalaga, kapanalig, na ating mapagsigla muli ang mga maliliit na negosyo ng bayan. Sa kanila nakasalalay ang paglago ng ekonomiya, pati ang disenteng trabaho para sa maraming mamamayan. Ayon nga sa Laudato Si, ang negosyo ay isang dakilang bokasyon; nagsusulong ito ng kaunlaran at nagpapabuti ng mundo. It ay mabunga: lumilikha ito ng trabaho para sa kabutihan ng balana.
Sumainyo ang Katotohanan.