204 total views
Pinabulaanan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang pagdawit sa kanya ni Peter Joemel Advincula alyas Bikoy sa planong pagpapatalsik sa puwesto kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa opisyal na pahayag, binigyang diin ng Arsobispo na bilang isang Pari at tunay na alagad ng Diyos ay hindi kailanman siya makikibahagi sa ilegal at marahas na pamamaraan upang maisulong ang pagbabago sa lipunan.
Ipinaliwanag ng dating Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na bahagi ng kanyang misyon bilang isang Pari at Filipino ay magabayan ang moral na kalagayan ng mamamayan base sa mabuting salita ng Diyos.
Iginiit ng Arsobispo na ang mga alegasyon ni Bikoy ay tahasang makapagpapahina sa pundasyon ng demokrasya ng bansa.
Sinabi ng Arsobispo na ang paratang ni Bikoy ay hindi naaayon sa kanyang paninindigan na maibahagi ang mga turo ng Simbahan.
“I am a priest. My mission is to continue the love of Jesus Christ and to teach His Truth always. I believe in the power of electing officials; that is why I have tried my very best, as a priest and as a Filipino, to morally guide the people entrusted to my pastoral care. I cannot and will never lend a hand to use illegal or violent means for social change. Such will weaken our democratic foundations. This is contrary to my Christian conscience.” pahayag ni Archbishop Villegas.
Nilinaw rin ni Archbishop Villegas na walang katotohanan ang mga alegasyon ni Bikoy na kanyang pakikipagpulong para sa planong pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon noong gabi ng December 12, 2018 sapagkat sa nasabing oras at petsa ay nagmimisa siya sa isang parokya sa Orani, Bataan.
Dahil dito, binigyang diin ng Arsobispo na walang katotohanan ang mga pahayag ni Bikoy sapagkat imposible na mapuntahan niya ang dalawang magkaibang lugar sa parehong pagkakataon.
“On the day and time, December 12, 2018 in the evening, that I allegedly met with some plotters to overthrow the government, I was in the parish church of Orani in Bataan to deliver the homily at the first Mass of a friend newly ordained priest. As a mortal being like the rest of us, I have no capacity to be in two places at the same time.” Paliwanag pa ni Archbishop.
Si Archbishop Villegas ay isa lamang sa dalawang Obispo ng Simbahang Katolika na idinawit ni Bikoy sa sinasabing Oplan Sodoma na planong pagpapatalsik sa puwesto kay Pangulong Duterte upang mailuklok sa pwesto si Vice President Leni Robredo.
Kaugnay nito, naunang inihayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na posibleng pagpapatawag kina Archbishop Villegas, Caloocan Bishop Pablo Virgilio David at dating Education Secretary Armin Luistro na pawang pinangalanan at isinangkot sa usapin ni alyas Bikoy.
Nauna na ring itinanggi ni CBCP Vice President Kaloocan Bishop Pablo Virgilio David ang pagkakaugnay sa miyembro ng mga taga-oposisyon na nasa likod ng mga planong pagpapatalsik sa kasalukuyang administrasyon.
Read: PNP, pinayuhang resolbahin ang DUI sa halip na tutukan si Bikoy