1,543 total views
Pagsaayos para sa mas mabuting paglilingkod sa mananampalataya.
Ayon kay San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari ito ang isa sa layunin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa ginaganap na 125th Plenary Assembly.
Ipinaliwanag ng obispo nais ng mga lider ng simbahan na paigtingin ang bawat komisyon ng CBCP upang higit na makapaglilingkod sa 80 milyong katoliko sa Pilipinas.
“Pinagsisikapan naming mapagbuti yung serbisyo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, gusto naming i-organize ng mabuti yung lahat ng mga commissions and offices at yung hamon kasi ngayon kung paano tayo maglakbay ng sama-sama hindi lamang kaming mga obispo kundi kasama ang mga layko mga relihiyoso yung lahat ng miyembro ng simbahan.” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Sinabi ni Bishop Mallari na maraming bagay ang tinalakay ng mga obispo tulad ng Ratio Nationalis na isang programa para sa paghuhubog ng mga maging pari; ang epekto sa mga simbahan sa Pilipinas ng Praedicate Evangelium na ipinatupad ni Pope Francis sa Vatican; at ang panukalang pagkakaroon ng Permanent Deacon sa bansa.
Apela ng obispo sa mga kapwa lingkod ng simbahan na palakasin ang pakikipag-ugnayan sa mamamayan upang maramdaman ang diwa ng pagkalinga ng simbahan.
“Hamon sa aming mga obispo, pari at religious na we will try our best to be closer to the community especially those in the peripheries.” ani Bishop Mallari.
Mahigit sa 80 obispo ang dumalo sa pagbukas ng tatlong araw na pagpupulong na magtatapos sa January 30 na ginaganap sa Pope Pius XII Catholic Center.
Hiling ni Bishop Mallari sa mananampalataya ang ibayong panalangin para sa matagumpay na talakayan na magbubunga ng paglago sa pananampalataya ng mga Pilipino.
“Please pray for us so that we will have the fullness of the Holy Spirit nang sa ganun we will be guided sa lahat ng gagawin.” saad ni Bishop Mallari.