197 total views
Bagamat hindi pa tapos, nagkaroon naman ng pagkakataon ang mga delegado at deboto ng 4th World Apostolic Congress on Mercy na masilayan ang 100-feet image ng Divine Mercy sa Pambansang Dambana ng Awa sa Marilao, Bulacan.
Ayon kay WACOM – ASIA Secretary General Rev. Fr. Prospero Tenorio, nasa 50-percent na ang construction kung saan umaabot na sa P43-milyon ang kanilang nagagastos sa imahen at gusali.
Inihayag ni Father Tenorio na matatapos ang konstruksyon ng 90-milyong pisong 100-feet image sa unang linggo ng Abril 2017 kasabay ng pagdiriwang ng Divine Mercy Sunday.
Pinangunahan naman ni Malolos Bishop Jose Oliveros ang pagpapasinaya sa Home of the Divine Mercy ngayong ika-19 ng Enero 2017.
“Halos naubos na ang more or less P43 million na ating nagagastos. All in all batay dun sa ating contractor at least mga P90 to P93 million ang total cost ng ating proyekto.” pahayag ni Father Tenorio sa panayam ng Radyo Veritas
Sinabi ni Father Tenorio na idaraos roon ang mga Basic Orientation Seminar on Mercy na isinasagawa sa kanilang parokya buwan – buwan.
Magtatayo din ng Divine Mercy Institute sa lugar para sa mga foreign at local na layko na naghahangad na maging dalubhasa ukol sa awa ng Diyos.