12,341 total views
Tuloy-tuloy ang pagsisikap ng Diocese of Surigao na makatulong sa rehabilitasyon ng mga tahanan na nasira ng bagyong Odette sa lalawigan ng Surigao.
Ito ang pagtitiyak ni Rev. Fr. Denish Ilogon, Social Action Director ng nasabing dioceses mahigit tatlong buwan mula nang manalasa ang bagyo sa lalawigan.
Ayon kay Fr. Ilogon, marami na silang napagkalooban ng housing materials katuwang ang iba pang organisasyon ng Simbahang Katolika para makatulong sa pagbangon ng naapektuhan mga residente.
Inihayag ng Pari na maging ang mga hindi katoliko ay kabilang ng kanilang programa at kasama din sa mga napagkakalooban ng tulong.
“Actually sa rehabilitation, pagtulong sa [housing] materials lahat ng sakop ng mga parokya actually marami na kami natulungan hindi lang mga katoliko pati hindi mga katoliko tinulungan namin, halimbawa namimigay kami ng tig sampung yero sa bawat pamilya o kaya mga plywood o pako at kung ano yung kailangan nila” paglalahad ni Fr. Ilogon sa panayam ng Radio Veritas.
Pinag-aaralan din ng Diyosesis kung paano makatulong sa mga poorest among the poor na residente na walang maayos na bahay.
Inihayag ni Fr. Itogon na kanilang prayoridad ang “long term project” para sa mga walang tirahan.
“Meron kaming higit na pinagtutuunan din hindi lang yun repair sa mga bahay nila hindi lang yung pagbibigay ng materyales ang Diocese nag-iisip din na magpatayo ng bahay sa walang wala talaga yung mga poorest among the poor, at least meron siyang design na gagawin namin para pare-pareho. Ito yun iniisip namin na long term project, ipagpapatuloy namin ito hangga’t may makukuhanan pa ng funds”.
Naunang inihayag ni Fr. Ilogon na marami pa din sa mga naapektuhan residente ang hindi pa nakakabangon mula sa pinsala ng bagyo.
Patuloy ang iba pang mga organisasyon ng Simbahang Katolika sa pagsasagawa ng mga proyekto para makatulong sa mga apektadong mamamayan.