979 total views
Ikinatuwa ng Kalikasan People’s Network for the Environment (PNE) at katutubong grupo ang desisyon ng pamahalaan hinggil sa P12.2-billion China-funded Kaliwa Dam Project.
Ito ay ang pagpapatigil sa pagbibigay ng Environmental Compliance Certificate mula sa Department of Environment and Natural Resources bilang pagpapahintulot sa kontrobersiyal na proyekto.
Ayon kay Kalikasan PNE National Coordinator Jon Bonifacio, isang tagumpay at magandang hakbang ang naging desisyon ng DENR sa matagal nang panawagang pagpapatigil sa nakapipinsalang proyekto.
Ang Kaliwa Dam ay itinatayo sa loob ng isang protected area sa General Nakar, Quezon na bahagi ng kabundukan ng Sierra Madre.
“We continue our calls for the full stop to the dam’s construction, the cancellation of its onerous contract, and the junking of all future plans to build a large dam in any part of the Sierra Madre mountain range,” pahayag ni Bonifacio.
Ipinaliwanag ni Bonifacio na ang pagtatayo ng dam sa Sierra Madre ay malaking panganib sa natatangi at pinakakaingatang likas na yaman, at magpapaalis sa mga katutubong Dumagat na may karapatan at nangangalaga sa kanilang mga lupaing ninuno.
Tinukoy din ng opisyal na ang World Bank na mismo ang nagsabi na ang mega-dam project sa halip na makatulong ay magdudulot ng malaking pinsala hindi lamang sa kalikasan kundi maging sa buhay ng mga tao lalo na sa panahon ng mga sakuna.
“Like other large dams, the Kaliwa Dam will disrupt the ecosystems of the Kaliwa-Kanan river, threaten the unique biodiversity of this area of the Sierra Madres, and also presents a hazard because of its proximity to two active faults, the Philippine Fault Zone and the Valley Fault System. It will also submerge huge tracts of the Dumagat people’s ancestral lands,” giit ni Bonifacio.
Magugunita nitong huling bahagi ng Setyembre nang manalasa ang Super Typhoon Karding sa Luzon, ngunit humina ang epekto nito makaraang dumaan sa Sierra Madre.
Iba’t ibang grupo kabilang na ang simbahan sa mga nananawagang pangalagaan ang 540-kilometrong bulubundukin ng Sierra Madre dahil ito ang nagsisilbing pananggalang sa malalakas na bagyong dumadaan sa bansa taon-taon.