1,951 total views
Dismayado ang social at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa paraan ng pagtugon ng pamahalaan sa reclamation projects sa bansa.
Ayon kay Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, nakalulungkot na sa halip na pamahalaan ng Pilipinas ay ang Estados Unidos pa ang unang kumilos upang bigyang-pansin at mapahinto ang reklamasyon sa Manila Bay.
“The suspension of 22 reclamation projects is a welcome development. However, we are disappointed that this decision was not made by our government on its own initiative, but rather as a result of pressure from the United States,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Unang nagpahayag ng pagkabahala ang Estados Unidos hinggil sa pinsala mula sa pagtatambak ng lupa sa Manila Bay dahil sa kaugnayan ng China Communications Construction Company na naka-blacklist sa U.S. Department of Commerce na mayroong ambag sa binubuong military bases at artificial island sa mga isla sa West Philippine Sea.
Panawagan naman ni Bishop Bagaforo kay Pangulong Bongbong Marcos na ipag-utos ang tuluyang pagpapahinto sa lahat ng reclamation project, hindi lamang sa Manila Bay kun’di sa buong bansa.
Iginiit ng obispo na hindi maituturing na pag-unlad ang reklamasyon dahil lalo lamang itong pumipinsala sa kalikasan, ekonomiya, at buhay ng mamamayan.
Halimbawa nito ang kawalan ng hanapbuhay ng mga mangingisda at iba pang mga naninirahan sa dalampasigan, pagkasira ng coastal ecosystem, at kawalang katiyakan sa mapagkukunan ng pagkain.
“We need to invest in sustainable development that will benefit all Filipinos, not just a few wealthy individuals,” giit ni Bishop Bagaforo.
Tiniyak naman ng Caritas Philippines ang patuloy na pagsuporta sa lahat ng layunin at panawagan ng iba’t ibang organisasyon upang tuluyang mahinto ang mapaminsalang reklamasyon sa bansa.