341 total views
Kinondena ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang pagpapatigil ng pamahalaan sa siyam na taong moratoryo sa pagmimina.
Ayon kay Bishop Pabillo, hindi naaangkop ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil lalo lamang itong magpapalala sa iba’t ibang kaganapang nangyayari sa ating kapaligiran. Dagdag pa ng Obispo na maaaring ito’y ipinatupad ng Administrasyong Duterte upang mapagkunan ng pondo ng mga “corrupt” na opisyal ng pamahalaan para pagkunan ng panggastos sa darating na eleksyon.
“Napapatunayan naman na hindi naman ‘yan nakakatulong sa development natin at ang nakikinabang lamang d’yan ay ang corrupt na mga opisyales. Kaya baka naman ‘yan ay ginawa para makakuha ng pera para sa eleksyon,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Ipimaliwanag ni Bishop Pabillo na sa halip na makatulong ang pagmimina sa pag-unlad ng bansa ay lalo lamang itong magdudulot ng pagbabago sa klima ng mundo at nakasisira sa likas na yamang tahanan ng iba’t ibang uri ng buhay. Pinangangambahan rin nito na higit na maaapektuhan ng desisyon ng pamahalaan ang mga katutubong naninirahan sa mga kabundukan at kagubatan na nakakaranas ng pananakot at pinaaalis sa kanilang mga lupaing minana upang maisagawa ang mapaminsalang pagmimina. Apektado nito ang mga karagatan at lupaing sakahang pangunahing pinagkukunan ng hanapbuhay ng mga mangingisda at magsasaka.
“Nakikita po nating nakakasira lamang ito sa environment at ang mga taong tatamaan n’yan ay ang mga katutubo at mga maliliit na mangingisda at magsasaka,” saad ni Bishop Pabillo.
Hinihiling naman ng Obispo, na siya ring chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity na mas makabubuting baguhin ang Philippine Mining Act of 1995 upang maisagawa sa tamang paraan ang pagmimina na hindi magdudulot ng matinding epekto sa tao at iba’t ibang likas na yaman.
“Dapat irevise ang mining law ng 1995 kasi extractive ang batas na yan. Kinukuha lang ang ating mineral resources na hindi naman bumabalik sa atin,” saad ng Obispo.
Batay sa mga pag-aaral, kakaunti lamang ang naiaambag ng pagmimina sa kabuuang ekonomiya ng bansa at hindi rin ito nakakapaglikha ng pangmatagalang hanapbuhay sa mamamayan sapagkat naitala lamang sa isang porsyento ang mga manggagawa nito sa pangkabuuang workforce ng bansa.