178 total views
Hindi na ikinabigla ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani ang naging pangungumpisal at pagbaliktad ni dating SPO-3 Arthur Lascanas na siya ay naging bahagi ng Davao Death Squad o DDS.
Ayon kay Bishop Bacani, na hindi na kataka – taka pa ang pahayag ni Lascanas dahil bago pa ito lumantad ulit sa taumbayan ay hayagan na rin inaamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na marami na siyang napatay na tao.
“Hindi naman kataka – taka iyan, noong una siya ay nagmamalaki na pumapatay siya. Hindi ako nagtataka diyan, hindi ako magugulat kung totoo talaga iyan. Hindi dapat magulat ang mga tao sapagkat iyan naman ay hindi sikreto sa napakaraming tao. Mismong ang presidente na ang nagsabi tungkol diyan, tungkol sa kanyang sarili.”pahayag ni Bishop Bacani sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi rin ni Bishop Bacani na hindi itataya ni Lascanas ang buhay at seguridad kung walang katotohanan ang naging pahayag nito.
Iginiit pa ni Bishop Bacani na “spiritual awakening” ito dahil sariling mga kapatid ay kanyang ipinapatay na hindi nagpatahimik sa kaniyang konsensiya.
Kaya’t umaasa ang Obispo na ito ay maiimbestigahan ng mabuti upang tunay na malantad ang katotohanan.
“Hindi iyan sasabihin ng isang tao para siraan lang ang presidente I don’t think so its self – incriminating for his part. Narinig naman natin yung kaniyang sinabing pagpatay, pati yung pag – oorganize ng pagpatay sa sariling kapatid. Hindi na dapat pagtakpan iyan, lalabas rin ang totoo, kailangang imbestigahan iyan ng mabuti.” giit pa ni Bishop Bacani sa Veritas Patrol.
Kahit na patuloy na tinatanggihan ng Malakanyang ang mga paratang sa Davao Death Squad ay nauna na ring naglabas ng pastoral letter ang Archdiocese of Davao noong November 2001 na nagpapahayag ng pagkabahala sa dumaraming bilang ng extrajudicial killing sa kanilang siyudad.
Nabatid mula sa datos na inilabas ng Human Rights Watch, tinatayang 1,424 ang kaso ng summary execution sa Davao City mula taong 1998 hanggang 2015.