192 total views
Pinangunahan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang Solemn Rites for the Opening of the Cause for Beatification and Canonization of the Servant of God Darwin Ramos, Agosto ika-28 ng hapon sa Immaculate Conception, Cathedral of Cubao.
Kasama ng Obispo ang Postulator ng cause ni Darwin na si Fr. Thomas de Gabory, OP mula sa France, at iba pang pari mula sa Diocese of Cubao na magiging katuwang sa pangangasiwa sa proseso ng pagpapatunay ng pagiging banal si Ramos.
Naniniwala si Fr. De Gabory na sa kabila ng kabataan ni Darwin ay taglay niya ang kabanalang mula sa Panginoon dahil sa pinakita nitong pagmamahal sa kapwa at labis na pagtitiwala sa Diyos sa panahong siya ay naghihirap sa karamdaman.
“Darwin is simple teenager, simple but his spirit in his heart is very impress [impressive]. In his heart, he is deeply related in Jesus Christ in his suffering in his illness.” Bahagi ng pahayag ng Pari.
Bago magsimula ang Solemn Rites para kay Darwin, ipinaliwanag ang prosesong kailangang pagdaanan bago ito tuluyang maideklarang santo.
Inihayag dito na ang Rito ng unang sesyon, ay pormal na pagsisimula lamang ng unang hakbang, matapos ito ay gagawin ang pangangalap ng mga ebidensya, mga testimonya at pagdodokumento nito na s’yang isusumite sa congregation for the causes of saints sa Roma.
Matapos ito ay hihintayin ang pasya ng congregation for the causes of saints, kung magtutuloy-tuloy o kakailanganin pa ng karagdagang mga dokumento bago maideklarang beato si Darwin.
Sa prosesong ito kinakailangan din na mayroong mga himalang mapatutunayan na naganap dahil sa pamamagitan ni Darwin, bago siya maideklrang beato at banal.
Labis naman ang pasasalamat ng ina nito na si Erlinda Ramos, dahil hindi nito akalaing posibleng maging santo ang kaniyang anak, at nakapag-iwan pa ng malaking inspirasyon sa simbahan at sa mga kabataang kapwa nila naghihirap.
“Nagalak [ako] na gagawin yung anak kong santo, para naman sa buong mundo yun na alaala n’ya lalo na sa mga kabataan na naging kasama n’ya, na naging mabuti s’yang kaibigan, sa mga nag-alaga sa kan’ya at napamahal sa kan’ya nung nabubuhay s’ya.” Pahayag ng ina ni Darwin.
Ayon kay Bishop Ongtioco, bukod kay Ramos, sa kasalukuyan ay mayroong tinatayang 18 mga Filipinong nasa proseso ng pagiging Santo.
Inaasahan na rin ng Obispo na matatagalan ang prosesong ito at ipinaliwanag niyang walang timeline na sinusunod ang pagdedeklarang banal ng isang tao dahil sa dami ng mga kinakailangang suriin at pag-aralan bago tuluyang magdeklara ng isang Santo.
Mula sa higit 10 libong Santo ng simbahang Katoliko dalawa naman ang itinanghal na Santo ng Pilipinas na sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod.