169 total views
Pinaboran ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Permanent Committee on Public Affairs ang plano ni president elect Rodrigo Duterte na ibenta na ang presidential yacht na BRP “Ang Pangulo”.
Ayon kay Lipa, Batangas Archbishop Ramon Arguelles, chairman ng komisyon, senyales ito ng simpleng pamumuno na nais ipakita ng ika – 16 na presidente ng bansa.
Suportado aniya ng Simbahan ang ganitong gawain ng alkalde lalo na kung ito ay makatutulong sa mga mahihirap nating kababayan.
Paalala naman ni Archbishop Arguelles na mas maganda ang ganitong proyekto kaysa sa pagpapatayo ng mga bilangguan at pagpapanumbalik ng “death penalty” sa bansa na siyang mariing tinututulan ng simbahan.
“Sabi ko ay baka pwede siyang mag–simpler life at makakatulong pa nga siya sa mga poor. Hindi naman palaging ginagamit ‘yung presidential yacht mas maganda ‘yang sinasabi niya mas positive yan. Kaysa yung halimbawa yung ire–revive ‘yung death penalty at magpapagawa ng kulungan. Pero yung isakripisyo mo yung para makatulong sa mga nangangailangan ay mas maganda yun pakinggan,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid na ang pondong malilikom sa ibebentang yate ay balak itulong ni Duterte sa mahigit 2 hanggang 6 na libong beteranong sundalo ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pagpapasa – ayos ng mga ospital at pagpapataas ng sahod ng mga doktor upang hindi na sila mangibang – bansa pa.
Samantala, kasabay nito plano rin ng alkalde na gamitin ang mga presidential aircraft bilang mga “air ambulances.”