405 total views
Pabor ang mga Obispo sa pagsusulong ng Renewable Energy ng Climate Change Commission matapos lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Commission Resolution 2016-001 noong ika 18 ng Mayo.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, dapat tingnan ng pamahalaan ang mas malalim na epekto ng coal fired power plants sa kalusugan at sa kalikasan at hindi lamang ang murang presyo ng kuryente.
“Huwag lang dapat nilang tingnan ‘yung prize ng coal, dapat tingnan din nila ang presyo ng health na nanganganib dahil dyan, ang presyo ng polusyon sa tubig na ginagamit sa mga coal power plants.” Pahayag ni Bp. Pabillo sa Radyo Veritas.
Nangangamba naman si Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez sa nilalaman ng resolusyon na magsasagawa ng pagsisiyasat ang Climate Change Commission sa mga komunidad na malapit sa mga planta.
Iginiit ng Obispo na mag-aaksaya pa ng oras ang ahensya gayong malinaw naman na dapat nang ipatigil ang operasyon ng mga planta.
“[dapat] wala nang coal fired power plant, period. The others sa Europe sa America they are already doing a way, with the coal fired power plant, dito mag rereview pa tayo, [they are just] wasting time, wasting money, wasting energy.” pahayag ni Bishop Gutierrez sa Radyo Veritas.
Ipinag-uutos sa ilalim ng Commission Resolution 2016-001 ang pagsisiyasat sa epekto ng coal fired power plants sa mga komunidad na malapit dito.
Sa pamamagitan din nito umaasa ang mga makakalikasang grupo na ito ang magiging daan sa pagpapaunlad sa renewable energy.
Samantala, itinalaga ang Climate Change Commission bilang ahensya na mamumuno sa pagpapaunlad ng renewable energy.
Inaasahang magiging katuwang ang Department of Environment and Natural Resources o DENR, Department of Energy o DOE at ang National Economic and Development Authority o Neda.