205 total views
Umaasa si Fr. Efren De Guzman, SVD na magiging ‘wake-up call’ para sa bawat Filipino ang walang habas na pagpatay kay Fr. Marcelito Paez ng Diocese of San Jose, Nueva Ecija.
Kaugnay nito, hinihikayat ni Fr. De Guzman ang mga mamamayan na kumilos at tumindig para sa kanilang karapatan at huwag ng antaying may magbuwis ng buhay.
“Itong pagpatay kay Fr. Tito at iba pang EJK victims ay wake-up call sa atin. Hihintayin pa ba natin na may kamag-anak o kaibigan tayo na mamatay bago tayo kumilos. Sabi ni Pope Francis bawat isa may magagawa na walang ibang gagawa, ‘yan din ang panaginip ni Fr. Tito,” pahayag ng pari.
Kilalang tagapagtanggol ng karapatang pantao ng mga manggagawa at magsasaka si Fr.Paez na binaril ng 9 na beses ng hindi pa nakikilalang mga salarin dakong alas-otso ng gabi noong ika-4 ng Disyembre habang nasa loob ng kanyang sasakyan sa San Leonardo, Nueva Ecija.
Si Fr. Paez rin ang kauna-unahang pari mula sa simbahang Katolika na pinatay sa ilalim ng administrasyong Duterte at pang-limang church worker na pinaslang mula sa iba’t ibang relihiyon sa bansa.
Kaugnay nito, inaayayahan ni Fr. De Guzman ang bawat isa na makisangkot sa mga usaping may kaugnayan sa seguridad gayundin sa karahasan na patuloy na nanararansan ng maliliit na tao.
“Ito’y panawagan para sa lahat. Huwag mong sabihing wala kang pakialam. ang Panginoon ay naghihintay ng ating conversion, reconcillation. Maging instrumento tayo ng kaharian ng Diyos,” dagdag ni Fr. De Guzman.
Inihahalintulad ng pari ang pagkamatay ni Father Paez kung paano namatay si Kristo at iba pang mga martir na dumanak ang dugo para sa paninidighan sa katotohanan at pagsasabuhay ng turo ng Diyos.
Pagbabahagi pa ni Fr. De Guzman, si Fr. Marcelito o mas kilala sa tawag na Fr. Tito ang kanyang naging inspirasyon upang tahakin ang bokasyon ng pagmimisyon.
Bago ang pamamaril, sinasabing galing si Fr. Paez sa Provincial Jail ng Cabanatuan City kung saan tinulungan nitong makalaya ang political detainee na si Rommel Tucay – isang lider magsasaka na inaresto noong Marso.
Una nang kinondena ng Diocese of San Jose at ng iba;t ibang human rights groups ang madugong sinapit ng 72-taong gulang na paring misyonero.
READ: Patuloy na pagsasawalang bahala sa karapatang pantao, binatikos