243 total views
Kinondena ng Diocese ng San Jose, Nueva Ecija ang pagpatay sa isa sa kanilang pari na si Father Marcelito ‘Tito’ Paez na kilalang nagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa at magsasaka.
“Kami ang kaparian ng Diyosesis ng San Jose, Nueva Ecija, kaisa ng mahal na Obispo, ay mariin na kinukundena ang hindi makatarungan at marahas na pagpaslang kay Fr. Tito Paez,” pahayag ng Diocese ng San Jose.
Sa ulat, pinagbabaril si Father Paez ng hindi pa nakikilalang mga salarin na sakay ng motorsiklo habang ito ay nagmamaneho ng kanyang sasakyan sa bayan ng Jaen, Nueva Ecija alas-8 ng gabi, December 4.
Naisugod pa sa San Leonardo Hospital ang pari bagama’t nasawi rin habang nilalapatan ng lunas dahil sa tinamong tama ng bala.
Nanawagan ang Diocese of San Jose sa mga kinauukulan na bigyang linaw at katarungan ang pagkamatay ni Father Paez.
“Kami ay nanawagan sa mga kinauukulan sa pamahalaan na bigyang linaw ang kaniyang kamatayan. Kami din ay nanawagan sa lahat ng mananampalataya na ipanalangin na magkaroon ng katarungan ang kaniyang pagkamatay at kapayapaan ng kaniyang kaluluwa,” pahayag ng Diyosesis na nilagdaan ni San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari.
Sa panayam ng Radio Veritas, itinuturing ni Bishop Mallari na malaking hamon ang marahas na pagkakapaslang kay Father Paez.
Ayon sa Obispo, kabilang sa misyong ginagampanan bilang pari ang maglingkod sa sambayanan ng Diyos na handang mag-alay ng sariling buhay lalo na sa Pilipinas kung saan ang mga kaparian ay patuloy na naninindigan sa katotohanan, sa pagkamit ng hustisya at naging boses sa mga taong maliliit sa lipunan.
“The challenge, yun bang, this is really our calling, yun bang to really serve the people up to the point offering one’s life. Medyo, it’s challenging. I think this is also a challenge for us priests, yun bang especially dito sa Pilipinas yung the readiness to stand for the truth, to stand for justice, to stand for the good of our people, especially those who have no voice.” Paglilinaw ni Bishop Mallari sa Radyo Veritas
Si Fr. Paez ay 72 taong gulang at nagsilbing pari sa Diyosesis sa loob ng 32 taon.
Siya ay naging bahagi ng Social Action Center ng Diocese of San Jose at pinamunuan din ang tanggapan ng Justice and Peace.
Siya ay nagretiro taong 2015, bagama’t patuloy na naging aktibo at nakisangkot sa mga usaping panlipunan, lalu na sa pagsusulong ng karapatang pantao, magsasaka at mahihirap.
Nanawagan din ang Promotion of Church Peoples Response sa administrasyong Duterte para sa katarungan sa pagpatay kay Fr. Paez.
“We condemn in the strongest term such corwardly and brutal act against church people. He is publicly known as an advocate of human rights, peace and justice not only in his diocese but in the country. We call on all faithful to unite against evil forces that kills and spare no one. Let us strive with the people in their quest for peace and justice,” bahagi naman ng panawagan ng PCPR.
Si Fr. Paez ay miyembro rin ng Rural Missionariea of the Philippines at ng Promotion of Church Peoples Response (PCPR).
Huling natulungan ni Fr. Paez na makalaya ang isang political prisoner na nakulong sa Cabanatuan City Jail.