438 total views
Hindi ang pagpatay o paglabag sa mga karapatan ng bawat isa ang lunas sa kasamaan ng mundo, sa mga krimen at sa mga kasalanan ng mga tao.
Ito ang pagninilay ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa paggunita ng pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus sa krus upang maisakatuparan ang pangakong kaligtasan ng Panginoon para sa sangkatauhan.
Ayon sa Obispo, para sa Panginoon hindi kailanman lunas o solusyon ang karahasan sa kasamaan ng mundo sa halip ay ang pag-aadya at pag-aalay sa buhay ng kanyang sariling Anak upang tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan.
“Itong nangyari ngayong Good Friday na pagkamatay ni Kristo na susundan ng kanyang muling pagkabuhay, ito ang lunas ng Panginoon para sa kasalanan ng tao, para sa kasamaan ng tao upang mapawi ang kasalanan ng mga tao. Ganyan ang paglunas ng Panginoon hindi sa pamamagitan ng pagpatay sa tao kundi sa pamamagitan ng pag-aalay ng buhay ng kanyang sariling anak para sa mga taong nagpapatayan at para sa mga taong gumagawa ng masama.” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na ito ang patuloy na pagkakamali ng pamahalaan sa kasalukuyan, ang pagpatay sa mga tao na pinaghihinalaan pa lamang o maging napatunayan ng nakagawa ng kasalanan sa lipunan.
Iginiit ni Bishop Bacani na hindi kailanman malulunasan ng paghahasik ng takot, pagpaslang o anumang uri ng karahasan ang mga pagkakamaling nagawa o magagawa ng bawat isa.
Tiniyak ng Obispo na hindi magtatagumpay ang mga ganitong uri ng madaliang solusyon na hindi lamang taliwas sa paraan ng Panginoon kundi sa mismong turo ng Diyos na huwag pumatay.
“Minamadali ang solusyon sa pamamagitan ng paghahasik ng takot, ng dahas at sa pamamagitan ng nangyayari na pagkitil na din ng buhay ng tao na nakikita po natin ay yan ay taliwas sa pamamaraan ng Panginoong Diyos at hindi yan magtatagumpay in the long run.” Dagdag pa ni Bishop Bacani.
Ayon kay Bishop Bacani, ang tunay na kapayapaan ay magmumula lamang sa Diyos lalo na sa kanyang Anak na si Hesus na isinilang bilang manunubos at Prinsipe ng Kapayapaan.