2,584 total views
Bukod sa limang magkakasunod na insidente ng pagpaslang sa mga lingkod bayan, may 927 na ang mga napatay sa higit isang libong biktima ng karahasan laban sa mga ‘elected official’ simula 2016-2022.
Ito ang inihayag ni Surigao del Norte 2nd district Representative Robert Ace Barbers, kung saan karamihan sa kaso ay wala pang napapanagot.
Muli ring kinondena ng mambabatas ang pinakahuling insidente ng karahasan kung saan napatay si Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa.
Giit ni Barbers, ang mga insidente ng karahasan at ‘political violence’ ay hindi katanggap-tanggap sa lipunan at isang hamon din sa katatagan at seguridad ng bansa.
“While it is painful to bear this recent surge of violence, we should not forget all other public officials who became victims of violence while holding office in the past. What is more distressing is that most of these cases remain un-solved, their perpetrators have not been brought to justice and certainly roaming around scot-free,” ayon kay Barbers.
Panawagan naman ni House Speaker Martin Romualdez sa mamamayan ng Negros na maging mahinahon, habang inatasan na rin ang pulisya na tutukan ang kaso upang agad mahuli at mapanagot ang mga nasa likod ng pagpaslang.
“We shall apprehend all the perpetrators of the crime including the mastermind,” ayon naman kay Romualdez.
Limang suspek ang naaresto ng pulisya kaugnay sa pagpaslang kay Degamo na ang karamihan ay pawang mga dating sundalo.
Nagpahayag naman ng pakikiisa at pakikiramay sina Dumaguete Bishop Julito Cortez at San Jose, Negros Occidental Bishop Gerardo Alminaza sa mga naulilang pamilya ni Degamo gayundin sa mga sibilyan na nasawi sa pamamaril.
Buwan ng Marso ng nakalipas na taon, una na ring nanawagan si Bishop Cortez ng pananalangin dahil sa magkakasunod na karahasan sa Negros island na iniuugnay sa pulitika.