2,516 total views
Kinundina ng Diyosesis ng Dumaguete ang pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo sa tahanan nito sa gitna ng pakikipagpulong sa mga opisyal ng kapitolyo at mamamayan ng probinsya.
Ayon kay Dumaguete Bishop Julito Cortes, hindi katanggap-tanggap ang patuloy na serye ng karahasan na nagaganap sa Negros Oriental na matagal ng naghahangad ng kapayapaan, katahimikan at kapanatagan ng loob mula sa tila pag-iral ng ‘culture of violence’ sa probinsya.
Pagbabahagi ng Obispo, bukod sa pakikidalamhati sa pamilya ng pinaslang na gobernador at ibang sibilyang nasawi ay makakaasa ang lahat sa pakikiisa at pananalangin ng buong Simbahan upang makamit ng mga biktima ang katarungan.
“I strongly condemn this hearthbreaking and senseless act of murder in Negros Oriental! How can we ever attain lasting peace if this culture of violence continues to torment us? When will this cycle of killings ever stop? We pray, then, that the perpetrators behind this bloodshed be brough to justice soon.” Ang bahagi ng pahayag ni Dumaguete Bishop Julito Cortes.
Pinaalalahanan naman ng Obispo ang bawat mamamayan na manatiling mahinahon at mapagmatyag sa gitna ng pangamba at takot na hatid ng naganap na insidente.
Nanawagan si Bishop Cortes sa mga ahensya ng pamahalaan para mabilis na makamit ang katarungan sa pamanaslang.
“I urge all government agencies, National and Local, especially the police and military, to work closely togeher for the speedy resolution of these cases, and thus, help us attain peace and justice in our land. May the souls of Governor Degamo and the others who have died in these gruesome killings, rest in peace!” Dagdag pa ni Bishop Cortes.
Bukod sa pananalangin para sa ikapapayapa ng kaluluwa ng mga nasawi sa insidente at kalakasan ng loob ng mga naiwang mahal sa buhay ng mga biktima ay hinihikayat din ng Obispo ang lahat na patuloy na dasalin ang Oratio Imperata to End the Killings sa probinsya ng Negros Oriental.
Sa pinakahuling tala umaabot na sa 9 na indibidwal ang opisyal na bilang ng mga namatay sa pamamaril na ikinasawi ni Negros Oriental Governor Roel Degamo kung saan ang walong iba pa ay pawang mga sibilyan.