2,563 total views
August 17, 2020
Pinuri ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) ang paninindigan ng Korte Suprema na pahintulutan ang OFW death row prisoner sa Indonesia na si Mary Jane Veloso na tumestigo laban sa kaniyang mga recruiters.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos – Vice Chairman ng kumisyon at Pangulo ng International Catholic Migration Commission (ICMC) – Asia-Ocenia Working Group, naaangkop lamang ang desisyong ito ng kataas-taasang hukuman.
Sinabi ni Bishop Santos na mahalaga ang magiging testimonya ni Veloso upang marinig ang kanyang panig laban sa kaniyang mga recruiters na sina Cristina Sergio at Julius Lacanilao.
“It is with great relief that SC in finality decides and upholds MJ to testify against her illegal recruiters: Cristina Sergio and Julius Lacanilao. Barring her to testify against them is to deny MJ due process. It is just and right on constitutional grounds and procedural rules that MJ testify.”pahayag ni Bishop Santos sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit ng Obispo na malaking bagay ang paninindigan ng Korte Suprema na mabigyan ng patas na pagkakataon si Veloso na maipagtanggol ang kanyang sarili sa harapan ng hukuman sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanya upang magpahayag ng testimonya.
Sinabi ni Bishop Santos na bagamat naantala ng ilang taon na mabigyang katarungan ang sinapit ni Veloso ay nabigyan ito ng pagkakataong mapawalang sala.
“Justice has been delayed. It should never be denied. Justice should be served and MJ be vindicated. She was victimized, unwillingly and unknowingly used.” Dagdag pa ni Bishop Santos
Hinikayat naman ni Bishop Santos si Mary Jane Veloso at ang kanyang pamilya na patuloy na manalig at magtiwala sa biyaya at plano ng Panginoon.
Tiniyak rin ng Obispo ang patuloy na pakikiisa at pananalangin ng Simbahan hanggang sa makamit ni Mary Jane ang katarungan at kalayaan at muling makabalik sa kanyang normal na buhay kasama ang kanyang pamilya sa Pilipinas.
“MJ has suffered so much, too long. She has shown through the years her patience and perseverance for justice. We, at CBCP ECMI, urge MJ and her family to hold on to God, trust God all the more. We are with her, praying to God on her behalf and for her rights and justice.” Apela ni Bishop Santos.
Sa kasalukuyan ay nananatili pa ring nakakulong sa Indonesia si Mary Jane Veloso matapos na mahulihan sa Yogyakarta, Indonesia ng 2.6 na kilo ng illegal na droga na nagkakahalaga ng 500,000-dolyar noong 2010.
Taong 2015, bago ang nakatakdang pagbitay ay nabigyan si Veloso ng “reprieve” at pansamantalang ipinagpaliban ang pagpapataw ng death penalty upang bigyang daan ang paglilitis sa kasong inihain sa Pilipinas laban sa sinasabing illegal recruiters na sina Maria Christina Sergio at live-in partner nitong si Julius Lacanilao.
Sa pinakabagong resolusyon na inilabas ng Korte Suprema ay binasura nito ang motion for reconsideration na inihain ng panig ni Sergio at Lacanilao at pinagtibay ang nauna ng desisyon ng Korte Suprema noong October 2019 na nagpapahintulot kay Mary Jane Veloso na tumestigo sa kasong human trafficking, illegal recruitment, at estafa.
Ayon sa Kataas-taasang Hukuman ang hindi pagpapahintulot kay Veloso na tumestigo ay maituturing na paglabag sa kanyang katapatan at pagkakait ng due process upang makamit ang katarungang kanyang hinahangad.