1,371 total views
Mga Kapanalig, nilagdaan na ni Pangulong Duterte noong nakaraang linggo ang Bangsamoro Organic Law o BOL. Sa halip na tawagin itong Bangsamoro Basic Law o BBL, ginawa itong Organic Law upang bigyang-diin ang pagiging alinsunod nito sa Saligang Batas, bilang tugon na rin sa mga nangangambang Unconstitutional ito. Para sa mga nagsusulong ng BBL, isang positibong hakbang ang BOL upang maituwid ang ilang dahilan sa likod ng deka-dekada nang Rebelyon sa ilang bahagi ng Mindanao.
Bahagi ang pagsasabatas sa BOL ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB, isang kasunduang nilagdaan noong 2014 sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front o MILF at ng pamahalaang Pilipinas. Kasama rin sa CAB ang iba pang mga kasunduan, katulad ng patungkol sa pagbabahagi ng yaman at kapangyarihan (o Wealth and power-sharing), sa pangangasiwa ng mga teritoryo, at sa paglalatag ng sistema upang maitatag ang pamahalaang Bangsamoro. Kuntento si MILF Vice Chairman Ghazali Jaafar sa mga isinagawang bicameral sessions ng Kongreso bago lagdaan ng pangulo ang BOL. Ayon sa kanya, naisama naman ang mga nais nilang probisyon sa bagong batas. Nagsasagawa na sila ng mga pampublikong konsultasyon upang ipaalam at ipaliwanag ang BOL sa mga kapatid nating Bangsamoro at sa mga katutubong naninirahan sa mga lugar na itinuturing na bahagi ng Bangsamoro. Mahalaga ang pagtanggap sa BOL ng mga kababayan natin roon dahil ang pagtataguyod ng kanilang kapakanan at pagsusulong ng kanilang kaunlaran ang pangunahing diwa ng nasabing batas.
Bagama’t malayo tayong mga nasa Metro Manila sa rehiyon ng Bangsamoro, mahalaga ang ating pakikiisa sa mga kababayan natin doon. Magsisimula ito sa pagkilala sa katotohanang sa napakahabang panahon ay naiwan sila ng kaunlarang natatamasa sa ibang rehiyon ng Bansa. Dapat din nating kilalanin ang katotohanang hindi natin makakamit ang kabutihan ng lahat o ang common good hangga’t may mga kababayan tayong namumuhay sa kahirapan, karahasan, at kawalang katarungan.
Dalawa sa mahahalagang prinsipyo ng mga panlipunang turo ng Simbahan—ang kapayapaan at katarungang panlipunan—ang maaari nating gamitin sa pagkilatis sa nilalaman ng BOL at sa pagpapatupad nito. Hindi mapaghihiwalay ang dalawang prinsipyong ito dahil ang kapayapaan ay bunga ng katarungan. Ayon pa kay Pope Paul VI, kung nais natin ng kapayapaan, pagpunyagian natin ang katarungan.
Ang katarungan ay ang pagkakaloob ng kung ano ang naayon sa Diyos at ating kapwa. Samakatuwid, ang pagsusulong ng tunay na katarungan sa Bangsamoro ay nangangahulugan ng pagkakaloob sa mga kapatid natin sa bahaging iyon ng Mindanao ng kanilang mga karapatan, ng pagtitiyak na hindi na muling mayuyurakan ang kanilang dignidad, at ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang magpasya para sa kanilang sarili at nang naaayon sa kanilang mga paniniwala at kultura. Malaking tulong ang BOL upang maisakaptuparan ito, ngunit higit na mahalaga sa pagtugon sa tawag ng batas na ito ay ang tamang pagtingin sa mga Muslim at Lumad bilang kapwa nating nilikha ng Diyos.
Tandaan din nating walang hahawak ng armas at magpapalaganap ng karahasan kung katarungan ang umiiral sa ating lipunan. Sabi nga sa Gaudium et Spes, ang kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng digmaan o kaguluhan. Hindi rin ito tungkol lamang sa pagpapanatili ng balanse ng kapangyarihan ng mga magkakatunggali. Ang kapayapaan ay gawain at mukha ng katarungan.
Mga Kapanalig, nawa’y tunay na kapayapaan at katarungan sa Bangsamoro ang hatid ng pagsasabatas ng BOL. Subaybayan natin kung paano ito ipatutupad ng ating pamahalaan. Tayo naman, sa ating munting paraan, ay maging bahagi sa pagtatanim ng punla ng kapayapaan sa ating kani-kaniyang pamayanan. Simulan natin ito sa pagturing sa ating kapwa—Muslim, Kristiyano, o Lumad—bilang kapantay natin sa dignidad at bilang kabahagi sa pagtatayo ng lipunang mapayapa at makatarungan.