301 total views
Alam niyo kapanalig, ang mga babae, lalo na ang mga ina, hindi lamang ilaw ng ating mga tahanan, sila din ay sandalan ng ating sambayanan. Lahat tayo, ayaw man nating aminin, ay bilib na bilib sa kakayahan, pasensya, at pagmamahal ng mga ina sa tahanan. Ngayon nalalapit ang mother’s day, marapat na sila ay ating bigyang pugay. Utang natin ang ating buhay sa kanila.
Ang mga ina ngayon ng ating bayan ay maraming mga isyu o hamong hinaharap. Isang halimbawa: Alam niyo ba na mas maraming mga OFWs na babae kaysa lalake? Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), may mga 1.06 milyong babaeng OFWs habang mga .72 milyon lamang ang mga lalaking OFWs.
Kadalasan, ang mga kababaihang OFWs ay napupunta sa domestic work kung saan sila ay bulnerable sa maraming uri ng exploitation. Isa na nga rito ay ang haba ng oras sa trabaho. Sa katunayan, malaking bulko ng mga kaso ng pang-aabuso sa ating OFWs ay kaugnay ang mga babae. Base sa opisyal na datos, babae ang biktima ng mahigit 18,000 sa halos 24,000 na kaso ng pang-aabuso ng OFWs o 75%.
Ang karaniwang pang-aabuso na kanilang nararanasan ay paglabag sa kanilang kontrata, pagmamaltrato, immigration or document-related problems, contract substitution, health o medical-related problems, personal problems, sexual abuse o harassment at rape. Kapanalig, tinitiis ito ng mga babaeng OFWs natin dahil kailangang nilang kumita. Marami sa kanila ay mga ina na may mga anak na kailangang itaguyod.
Kapanalig, isa lamang ito sa mga kinahaharap na isyu ng mga inang Filipina, pero ito ay isa sa mga pinaka-matingkad na halimbawa ng paghihirap na dinadanas nila sa ngalan ng pamilya. Kaya’t sana, tayo, bilang mga anak nila, bilang isang nagkaka-isang lipunan, ay bigyang pugay ang mga ina ng bayan. Hindi lamang dapat ito sa pamamagitan ng papuri o paminsan-minsang pagre-regalo. Ang ating pagpugay sa kanila ay dapat na may kaakibat na aksyon para sa kanilang kapakanan. Hindi dapat nila maranasan ang paghihirap na kanilang nadadanasan ngayon. Kailangan nating makapag-latag ng solusyon upang wala ng Filipina pa ang maghihirap, maapi, mamaltrato, at mabibiktima ng karahasan sa kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa.
Kapanalig, kapag nabiktima ang ina ng pamilya, lahat ng miyembro nito ay nabibikitma rin. Angkop sa isyung ito ang mga kataga mula sa Economic Justice for All: Ang mga patakarang pang-ekonomiya at panlipunan pati na rin ang organisasyon ng mundo ng trabaho ay dapat na patuloy na suriin sa liwanag ng epekto nito sa lakas at katatagan ng buhay pampamilya. Ang pangmatagalang kinabukasan ng bansang ito ay malapit na nauugnay sa kapakanan ng mga pamilya, dahil ang pamilya ang pinakapangunahing anyo ng komunidad ng tao.
Sumainyo ang Katotohanan.