183 total views
Mga Kapanalig, sa kabila ng patuloy na pagkalat ng virus sa ating bansa, nakatutuwang isiping lumalaganap at lumilitaw din ang liwanag at kabutihan sa ating mga komunidad.
Noong nakaraang linggo, nag-viral sa social media ang isang babaeng naglagay ng isang community pantry sa Maginhawa Street dito sa Quezon City. Nais niyang ipamahagi ang sobrang relief goods o mga ayudang kanyang natanggap mula sa pamahalaan nang siya ay nakaramdam ng sintomas ng COVID-19 tatlong linggo na ang nakalipas. Nais niya raw ipamigay ang mga ito sa mga mas nangangailangan nang walang physical contact kaya naglagay siya ng isang kariton sa kanilang lugar. May mga libreng pagkain sa kariton katulad ng bigas, gulay, gatas, vitamins, kape, face masks, delatang pagkain, sopas, at iba pa.
“Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.” Ito ang nakasulat sa karatulang napapaalalang kahit sino ay maaaring maglagay ng gulay, prutas, at iba pang pagkain, na libre din namang makukuha ng sinumang nangangailangan. Makikita ang pagtutulungan ng mga residente sa lugar. May ilan sa kanilang nag-iiwan ng mga grocery items. Ang mga tricycle drivers naman na malapit sa pantry ay tumutulong na mag-repack ng bigas. Patunay ang inisyatibong ito na hindi laging totoong maraming mananamantala sa mga libreng pagkaing walang nagbabantay. Ang mga street sweepers, construction workers, at mga street dwellers na higit na nangangailangan ay kumukuha lamang ng sapat sa kanilang pangangailangan sa araw na iyon.
Napukaw ang atensyon at damdamin ng marami sa tinaguriang Maginhawa community pantry, at umani ito ng mga positibong reaksyon at komento sa social media. Naging inspirasyon din ito ng marami kaya naman unti-unti na ring nagsulputan ang iba pang community pantry sa iba’t ibang lugar. Sa hindi kalayuan mula sa Maginhawa community pantry, may nagtayo rin ng isa pang pantry sa Matiyaga Street ang Magsasaka Partylist na nag-aalok naman ng mga ani katulad ng kamote, kalabasa, papaya, at iba pang mga gulay na direktang nanggaling mula pa sa mga grupo ng mga magsasaka sa Tarlac. Ganito na rin ang ginagawa ng ilang residente sa Sampaloc sa Maynila. Mayroon silang libreng bigas, gulay, delatang pagkain, at iba pa. Patunay ang mga ganitong ginagawa ng ating mga kababayang malayo ang mararating ng pagtutulungan at ng pagbabahagi ng kung anumang mayroon tayo lalo na sa mga nangangailangan.
Sa kabila ng hinaharap nating krisis dulot ng pandemya, nakatutuwang makikita pa rin ang pagbubuklod-buklod ng mga mamamayan at komunidad lalo na’t hindi sapat ang inaasahang tulong mula sa ating pamahalaan. Ngayong damang-dama pa rin ang epekto ng pandemya kung saan marami na ang nawalan ng trabaho at marami ang nagugutom, sa mga inisyatibong katulad ng community pantry makikita ang importansya ng pagtutulungan na umuusbong mismo sa komunidad, sapagkat mabilis at agaran itong napakikinabangan ng mga tao.
Ngayong marami sa ating mga kababayan ang nawawalan na ng pag-asa at nabibigatan na sa pinapasang kalbaryo araw-araw, muli na namang lumilitaw ang ating pagkakaisa at pagtutulungan na siyang tunay na diwa ng bayanihan. Gaya ng paalala sa 1 Timoteo 6:18, matatamo natin ang tunay na buhay kung tayo ay gumagawa ng mabuti, mayaman sa mabuting gawa, at mapagbigay at matulungin sa ating kapwa. Ito rin ang isa sa mga mensahe ni Pope Francis sa kaniyang ensiklikal na Fratelli Tutti: walang sinuman ang nabubuhay nang mag-isa… Kailangan natin ng isang komunidad na sumusuporta at tumutulong sa atin, kung saan natutulungan natin ang isa’t isa.
Gyaunman, mga Kapanalig, bagamat kahanga-hanga ang mga inisyatibo ng mga pribadong indibidwal sa pagbibigay-liwanag sa mga kababayan nating nangangailangan, hindi ito magiging sapat lalo na kung marami pa ring pagkukulang ang ating pamahalaan sa pagtugon sa ating mga pangmatagalang pangangailangan.