414 total views
Inihayag ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na labis ang paggabay ng Mahal na Birhen sa pananampalataya ng sangkatauhan.
Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, isang magandang huwaran ng malalim na pananampalataya ang Mahal na Ina na unang sumunod sa kalooban ng Panginoon.
Ito ang pagninilay ng obispo sa ginanap na pagsariwa sa pagpuputong ng korona sa Our Lady of Peace and Good Voyage na ginanap sa Manila Cathedral nitong Hunyo 18, 2021.
“The reenactment of the coronation is an important sign of our devotion to the Our Lady of Antipolo; mahalaga ang ginagampanan ng Birheng Maria sapagkat pinupukaw niya ang ating pananampalataya sa Diyos,” ang bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Binigyang diin ng opisyal na malaki ang ginagampanang tungkulin ni Maria sa buhay ni Hesus mula sa pagsilang hanggang sa muling pagkabuhay nito na naghahatid ng pag-asang kaligtasan sa sanlibutan.
Nilinaw ni Bishop Pabillo na ang mga imahe ng simbahan ay paalala lamang sa bawat isa sa kabanalan at mabuting halimbawa na dapat tularan at isabuhay.
“Ang mga images sa ating simbahan tulad ng Mahal na Birhen ay pumupukaw sa ating pananampalataya, they inspired us; subalit ang mga kaloob ay nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga pagdarasal kasama ang mga banal,” giit ni Bishop Pabillo.
Batay sa kasaysayan dumating ang imahe ng Birhen ng Antipolo sa Pilipinas noong 1626 dala ng mga misyonero habang ginawaran ng canonical coronation noong 1926 o 95 taon ang nakalilipas.
Pinararangalan at kinilala ng mananampalatayang Filipino ang papel ni Maria sa pag-usbong ng kristiyanismo sa bansa sa nakalipas na 500 taon dahil sa patuloy na paggabay at paglapit ng sangkatauhan kay Hesus.
Hamon ni Bishop Pabillo sa bawat isa na tularan at isabuhay ang mga halimbawa ni Maria na buong puso at kababaang loob na tinanggap ang kalooban ng Ama.
Ang Pilipinas ay tinaguriang Pueblo Amante de Maria dahil sa masidhing pamimintuho ng mga Filipino sa Mahal na Birhen bilang masintahing ina ni Hesus at ng sanlibutan.