196 total views
Pagtiyak sa maayos na sistema ng katarungan at pagpapatupad ng batas na naaagkop na solusyon sa kriminalidad sa lipunan at hindi ang pagbabalik ng parusang kamatayan.
Ito ang binigyang diin ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo–Chairman ng CBCP–Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa usapin ng Ninja Cops at patuloy na planong pagbabalik ng death penalty sa Pilipinas.
Paliwanag ng Obispo, malaki ang posibilidad na tanging mga mahihirap lamang ang maparusahan lalo na’t ang mga pulis mismo ang sangkot sa katiwalian at illegal na mga gawain.
Giit ni Bishop Pabillo, dapat na tutukan ay ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa usapin ng ninja cops na kinasasangkutan ng nagbitiw na dating PNP Chief Director General Oscar Albayalde.
“Hindi nga solusyon diyan ang death penalty, ang solusyon diyan ay ayusin ang mga kapulisan na kahit naman may death penalty kung hindi naman nahuhuli dahil nga nagpo-protektahan yung mga kapulisan wala namang, ang pagbibintangan lang naman diyan ay yung mahihirap na mga tao at ayusin ang justice system natin na maging mabilis dapat, na kung kunwari nag-resign na si Albayalde tuloy ba ang imbestigasyon sa kanya, so yun ang dapat hindi naman solusyon yang death penalty,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Ayon pa sa Obispo, hindi makapagdudulot ng katarungan ang pagbabalik ng parusang kamatayan hanggat hindi naisasaayos ang sistema ng katarungan at natitiyak ang katapatan at kredibilidad ng mga kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na silang dapat na nagpapatupad ng batas.
“Kahit na may death penalty kung ang pulis natin ay involve naman sa mga ganyan at wala namang maayos na panghuhuli at ang prosecution natin sa konte natin ay mabagal at nababayaran walang, ang mapapatawan lamang niyan ay ang mga mahihirap,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Sa datos ng Philippine Statistical Authority (PSA) mula taong 1985 o bago pa man muling ipatupad ang Death Penalty noong 1992 ay naitala ang pagbaba ng kriminalidad hanggang 2008 .
Una na ring binigyang diin ng FLAG Anti-Death Penalty Task Force na anti-poor ang Death Penalty sapagkat batay sa pagsusuring isinagawa ng grupo noong May 2004, lumabas na karamihan o 73.1-percent ng mga nasa death row inmates ay mga mahihirap habang 8.2-percent lamang ang nasa middle class at tanging 0.8-percent lamang ang kabilang sa mga nasa upper class.