356 total views
Hindi kumbinsido si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na dapat isama ang Korean language sa curriculum ng mga public high school sa Pilipinas.
Ayon kay Bishop Bacani, hindi pa panahon upang matutunan ng mga mag-aaral ang wika ng bansang Korea bagkus maraming bagay pa ang mas kailangang pagtuunan at bigyan ng kaukulang pansin.
“Palagay ko kung gagawing obligatory part ng curriculum [ang Korean subject] ay hindi naman sa lubusang masasayang pero may mas mabuting pag-uukulan ng panahon. Dapat maghanap sila ng mas priority matter. Parang medyo overkill yata iyon, not that important and urgent to Filipinos to learn the Korean language,” pahayag ni Bishop Bacani.
Kaugnay nito ay nanawagan ang Obispo sa mga paaralan sa buong bansa na mas tutukan ang pagpapaunlad ng asignaturang pang-relihiyon na nagtuturo sa kabataan ng tamang asal, pagpapahalaga sa kapwa at mas malalim na ugnayan sa Panginoon.
“Napakahalaga na ang mga tao ay mag-aral ng religion, mag-aral ng pagtuturo ng religion sa kanilang mga kapwa. Kaya iyan dapat ay pag-uukulan din ng pansin dahil tayo ay tinatawagang lahat na maghatid ng magandang balita. Kung mayroon tayong pagkakataon na maghatid ng magandang balita sa mas pormal na pagtuturo, samantalahin sana natin ‘yon,” apela pa ng Obispo.
Una nang nilagdaan ni Education Secretary Leonor Briones at Republic of Korea Ambassador to the Philippines Kim Jae Shin ang Memorandum of Agreement na nagdadagdag sa Korean subject bilang bahagi ng kurikulum ng sampung piling pampubkilong paaralan sa National Capital Region.
Magugunitang nakasaad sa 1987 Constitution na kasama ang relihiyon sa mga araling kailangang ituro sa mga estudyante ng elementarya at sekondarya sa bansa.
Patuloy namang ipinapaalala ni Pope Francis na naging guro ng teolohiya sa prestihiyosong Colegio del Salvador sa Argentina, na ang pag-ibig sa kapwa at pagsasabuhay ng tamang asal ay ang pinakamahalagang aral na dapat matutunan ng tao.