673 total views
Homiliya para sa Kapistahan ni San Antonio de Padua, Ika-13 ng Hunyo 2023, Isaias 61:1-3 at Lukas 10:1-9
Ang Franciscanong Santong ginugunita natin ngayon na kilala bilang “San Antonio de Padua” ay hindi talaga taga-Padua sa Italia. Hindi rin Antonio ang tunay na pangalan niya, at hindi Franciscans ang unang kongregasyon na pinasok niya. Namatay siya sa Padua, pero taga-roon siya sa Lisbon, Portugal. Fernando ang tunay na pangalan niya; pinili ang pangalang Antonio bilang religious name niya nang sumali sa mga Franciscans. Galing siya sa mga Augustinians. Pero bago ang lahat, pagnilayan muna natin ang mga pagbasang ating narinig.
Ang “pagsasa-ngayon” ng paghahari ng Diyos. Ito ang pinaka-summary ng ating mga pagbasa ngayon. Ito rin ang pinaka-summary ng buhay at misyon ni San Antonio de Padua bilang tapat na alagad at sugo ni Kristo at katropa ni St. Francis ng Assisi.
Tingnan muna natin ang ating 1st reading. Galing ito kay prophet Isaiah, isang paglalarawan ng misyon ng propeta bilang SUGO NG DIYOS. Ang misyon daw niya ay “dalhan ng pag-asa ang mga dukha, aliwin ang mga sugatang-puso, at balitaan ng paglaya ang mga bilanggo”. Ito rin ang mga salitang binasa ni Hesus sa Sinagoga ng Nazareth. Matapos niyang basahin ang mga salitang ito ni propeta Isaias, binigyan pa niya ng komentaryo—isang maikling linya lang pero ang tindi ng naging reaksyon ng mga tao sa kanya. Ganito ang sinabi niya: NGAYON MISMO, NATUTUPAD ANG KASULATANG NARINIG NINYO.
“Ngayon mismo,” hindi bukas. Kaya nag-react sila: “Ano ba ang tingin niya sa sarili niya? Diyos ba siya?” Kaya ang nagsimula sa pagkamangha ay nauwi sa pagkagalit at tuloy pinagtabuyan siya sa Nazareth. Kasi, para sa kanila, ang paghahari ng Diyos ay hinihintayin pang dumating sa wakas ng panahon. Kaya nga, di ba, ang mga katulad nina Martha at Maria na nawalan ng minamahal na kapatid ay naghihinagpis. Nang sabihin ni Hesus, “Mabubuhay ang kapatid ninyo.” Ang reaksyon ni Martha ay, “Oo, alam ko, sa wakas pa ng panahon.” Kaya sinagot siya ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay…” Ibig sabihin, hindi sa wakas, kundi NGAYON.
Sa mga Hudyo may pangalan ang Diyos: YAHWEH, na ang ibig sabihin ay ANG LAGING NGAYON. Ganoon daw ang pagpapakilala ng Diyos kay Moises: ang walang-hanggang NGAYON. Wala siyang KAHAPON at BUKAS; di tulad natin na nabubuhay sa panahon. Kaya kay Hesus, nakilala ng mga alagad ang Anak ng Diyos, dahil sa kanyang salita at gawa, ang pinapangarap nilang bukas ay natutupad na sa kasalukuyan, nagiging ngayon.
Sa ating Gospel reading, pumili daw si Hesus ng mga katrabaho sa anihan at sinugo sila upang sa pamamagitan nila ay magpatuloy ang buhay at misyon niya. Nagsimula lang sa 12, naging 72, ngayon marami na tayo, tayong mga tinawag upang maging mga alagad at sugo, tinawag upang maging mga kinatawan ni Kristo. Iyon ang ibig sabihin ng maging Kristiyano—ang maging kaisa sa gawain ng pagsasangayon ng kaharian ng Diyos. Di ba’t ito ang laman ng panalangin na itinuro niya sa atin?
Ang summary ng AMA NAMIN ay ang linyang: DITO SA LUPA PARA NANG SA LANGIT. Na hindi kailangang maghintay pagkamatay o sa wakas pa ng panahon para maranasan ang langit. Na kapag nagbago ang pananaw natin sa buhay at pakikitungo natin sa kapwa, masasabi nating LUPA MAN AY LANGIT NA RIN. Paano ito mapangyayari? Kung wala tayong ibang sasambahin kundi ang Ngalan ng Diyos, kung magpapasakop tayo sa paghahari ng Diyos, kung susundin natin ang kalooban ng Diyos. Mayoon pa—kung hahanapin natin ang tunay na pagkain kailangan natin sa araw-araw: ang Salita ng Diyos, kung matututo tayong humingi ng tawad at magpatawad, kung lalaban tayo sa tukso at kasamaan.
Pinangyari lahat ni San Antonio de Padua nang siya ay naging katropa ni St Francis of Assisi at sumama sa mga Franciscans. Dati siyang Augustinian pero naakit siya sa bagong tatag na samahan dahil sa nakita niya sa limang Franciscans na pinatuloy niya sa Monasteryo ng mga Augustinians. Hindi na sila nakauwi dahil naging mga martir sila sa Morocco. Napalapit si San Antonio kay St Francis dahil nakita niya kung paano siniryoso ni Francis ang buhay at misyon ni Kristo—na iparanas sa mundo ang PAGSASANGAYON NG PAGHAHARI NG DIYOS.
Na kung saan may alitan, maghatid ng PAG-IBIG. Kung saan may sakitan, magdala ng PAGHILOM. Kung saan may alinlangan, maging daan ng TIWALA. Kung saan may hinagpis, maghatid ng PAG-ASA. Kung saan may kadiliman, magdala ng LIWANAG. Kung saan may lungkot, maging daan ng TUWA. Na ang sikreto ng pagsasa-ngayon ng langit ay simple lang. Kung ibig mong tumanggap, MAGBIGAY ka. Kung ibig mong patawarin, MAGPATAWAD ka. Kung ibig mong mabuhay, MAG-ALAY KA NG BUHAY.
Biro nyo 36 years old lang si San Antonio nang mamatay? At sa loob lang ng isang taon, na-canonize agad siya bilang santo? Hindi ba usually, naghihintay muna ng mga milagro bago madeklarang santo ang isang Kristiyano? Hindi na sila naghintay kay San Antonio. Bakit? Dahil ang buong buhay niya ay punong puno ng milagro. Sa ngalan ni Hesus nakapagpapagaling siya, nakapagpapanauli ng paningin, nakapagpapalayas ng masamang espiritu.
Hindi naman siya naging patron ng mga nawawalan noong pagkamatay niya. Buhay pa siya, iyon na ang reputasyon niya. Patron ng mga nawawalan ng kayamanan, mga nawawalan ng pag-asa, mga nawawalan ng gana sa buhay, mga nawawalan ng kaibigan at mahal sa buhay, mga nawawalan ng katinuan at direksyon sa buhay.
Ang pinaka-compass at mapa niya sa paghahanap ng mga nawawala ay ANG BANAL NA KASULATAN, ANG SALITA NG DIYOS. At naririnig daw nga mga tao na parang ang Diyos mismo ang nagsasalita sa kanila sa mga salita ni San Antonio. Lahat daw ay nababato-balani sa kanyang mga pangungusap, nakikinig, naaakit, namamangha. Si Kristo ang naririnig sa kanya. Pati raw mga ibon at mga isda ay natatahimik at nakikinig.
Totoo naman kasi, sa paghahari ng Diyos ang lahat ng nilalang ay kasambahay natin. Hindi mapapasaatin, hindi mapapasangayon ang paghahari ng Diyos kung hindi natin igagalang ang sandaigdigan bilang iisang tahanan para lahat ng nilikha ng iisang Diyos.