615 total views
Kinilala ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagsasabatas ng Republic Act No.11650 o “ Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act.”
Tinitiyak ng batas na magkakaroon ng access sa edukasyon ang lahat ng Persons With Disability (PWD) na mag-aaral saan o anuman ang kanilang pinanggalingan na komunidad at relihiyon sa Pilipinas.
Ayon kay Father Dan Cancino, executive secretary ng CBCP Episcopal Commission on Health Care, maganda ang hakbang ng pamahalaan upang mas kilalanin at bigyan ng pagpapahalaga ang mga PWDs sa bansa.
Bibigyan din sa batas nang proteksyon ang karapatan ng mga PWDs na magkaroon ng access upang makapag-aral at maging bahagi sa pagpapaunlad ng ekonomiya sa hinaharap.
“Ang pagpipirma ng Pangulong Duterte sa RA 11650 noong March 11 at ito ay I think narelease noong March 15, ay isang magandang pagpapakilala at magandang recognition at appreciation, sa kahalagahan ng mga taong may disability,”pahayag ng Pari sa Radio Veritas
Hiling naman ni Father Cancino sa bawat isa na magkaroon ng sapat na pakikibahagi at pagbabantay sa pagpapa-iral ng batas.
Ipinaliwanag ng Pari na kailangang matiyak na susundin at maglalaan ng sapat na pondo ang pamahalaan upang makapag-patayo ng mga pasilidad base sa pangangailangan ng mga PWDs.
“Sana itong batas na ito ay hindi maisantabi kasi populasyon nung mga people with disability ay lagi nating naisasantabi. Lalu siyang mas bigyan ng pansin baka maisantabi na naman sa pagba-budget. Let’s be very very vigilant yoong implementing rules and regulations, makilahok mismo ang komunindad, ang komunidad pakinggan ang kanilang boses,” ayon pa sa Pari.
Tiniyak din ni Father Cancino na nananatiling bukas ang Simbahang Katolika upang kalingain at bigyan ng pagkakataon ang may mga kapansanan na maglingkod sa Panginoon bilang kawani ng mga simbahan at parokya.
Aminado ang Pari na tinutulungan din ng PWDs ang mga walang kapansanan na makilala pa ng mas nakakarami ang Panginoon sa kanilang pagsisilbi bilang mabuting ehemplo.
“Para ma-evangelize sila pero alam mo sila din, ineevangelize din tayo, so it’s a two way process, as we share the word of God to them, sila din sa kanilang buhay sila din ay nagiging inspirasyon nagiging halimbawa sila magandang ehemplo para sa napakaraming tao kung paano yung lumaban sa buhay kung paano ang sakripisyo kung paano pahalagahan ang mayroon tayo,” ani Father Cancino.