26,590 total views
Nananawagan ang Aksyon Klima Pilipinas sa mga mambabatas na isulong ang panukalang batas na magbibigay ng mga panuntunan kaugnay sa nagbabagong klima ng bansa.
Ito ang Climate Accountability (KLIMA) Bill na magtatatag ng mas mahigpit na mga hakbang para sa pagpapanagot sa mga korporasyon sa mga pagkilos na naaayon sa karapatang pantao, lalo na ang karapatan sa isang malinis, malusog, at napapanatiling kapaligiran.
Ang panawagan ng grupo ay kaugnay sa ika-10 taong paggunita sa pananalasa ng Super Typhoon Yolanda, na may international name na Haiyan sa gitnang bahagi ng bansa lalo na sa Eastern Visayas.
“It would also establish a national fund to address the needs of victims of climate-related disasters, which is aligned with the government’s position of changing the Philippines’s narrative into more of a country of initiators of action,” pahayag ng grupo.
Bukod sa panukalang batas, hinihikayat din ng Aksyon Klima ang mga kinatawan ng Pilipinas sa gaganaping United Nations Climate Change Conference of Parties o COP28 Summit sa Dubai, United Arab Emirates, na patuloy na paalalahanan ang mga bansang kabilang sa Global North hinggil sa kasalukuyang kahinaan at naranasang loss and damage (L&D) ng bansa mula sa mga nagdaang sakuna.
Nakatakdang isagawa ang COP28 Summit ngayong Nobyembre 30 hanggang Disyembre 12, 2023.
Ibinahagi ng grupo na magpahanggang ngayon, ilan sa mga lugar na lubos na napinsala ng Bagyong Yolanda ang nahihirapan pa ring makabangon at magpatuloy mula sa nagdaang sakuna.
Dagdag pa ng Aksyon Klima na ang idinulot na kawalan at pinsala ng Super Typhoon ay malaki ang naging epekto sa buong mundo kaya’t ito ang naging pangunahing paksa sa mga talakayan hinggil sa epekto ng climate crisis.
“This is not to perpetuate the image of a nation of victims and reactors; this is to show its true commitment to uphold climate justice for current and future generations by holding developed nations and big corporations accountable for their pollution and other actions that dealt us immense L&D,” giit ng Aksyon Klima.
Nobyembre 8, 2013 nang manalasa sa bansa ang Bagyong Yolanda kung saan higit anim na libong katao ang nasawi habang nasa halos 100-milyong piso naman ang halaga ng pinsala sa mga apektadong lugar.
Sa Laudate Deum ng Kanyang Kabanalan Francisco, inihayag nito ang higit pang pagpapaigting ng magkatuwang na pagkilos at pagtugon ng mamamayan at pamahalaan upang mapangalagaan ang nag-iisang tahanan mula sa epekto ng krisis sa klima.