620 total views
Inihayag ng Diyosesis ng Cubao na isaalang-alang nito ang kapakanan ng nasasakupang mananampalataya hinggil sa tumataas na bilang ng mga nahawaan ng COVID-19.
Sa pahayag ni Bishop Honesto Ongtioco, ipinaubaya ng Obispo sa mga kura paroko ang pagtatakda ng mga panuntunan sa bawat parokya batay sa sitwasyon sa kani-kanilang komunidad.
“Pag-isipan at pag-usapan ang tungkol sa patuloy na pampublikong pagdiriwang ng Banal na Misa at iba pang mga gawain; dapat unang isaalang – alang ang kaligtasan ng lahat,” bahagi ng mensahe ni Bishop Ongtioco.
Binigyang-diin ni Bishop Ongtioco na dapat suriin ng mga kura paroko ang kakayahan ng simbahan na mapanatili ang maayos na pagpapatupad ng mga health protocol sa Banal na Misa kundi mas paigtingin ang online Masses para matiyak ang kaligtasan ng mamamayan sa banta ng hawaan.
“Kung magiging mahirap ang pagpapatupad ng protocols, mas mabuting ihinto muna ang pampublikong pagdiriwang ng Banal na Misa,” dagdag ng Obispo.
Hinikayat din ni Bishop Ongtioco ang mga pastol ng Simbahan na maging mabuting ehemplo at palaging paalalahanan ang nasasakupang pamayanan sa pagsunod sa safety health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay, pagsunod sa physical distancing at pag-iwas sa mass gatherings.
Matatandaang sa pagpasok ng 2022, sunod-sunod na naitatala ang matataas ng bilang ng daily cases ng COVID-19 kung saan umabot sa 17-libong kaso nitong January 6.
Ilang simbahan na rin ang nagsara sa publiko makaraang magpositibo ang ilang kawani at kasalukuyang nagsagawa ng disinfection at sanitation para matiyak na ligtas mula sa virus ang mga simbahan.
Sa kabila ng mga pangamba at agam-agam sa nagpapatuloy na epekto ng pandemya, pinaalalahanan ni Bishop Ongtioco ang mamamayan na hindi dapat mangamba sa halip ay manalig sa kaligtasang hatid ng Panginoong Hesus sa sanlibutan.
“Maging mapanatag nawa ang ating loob sa katotohanang kasama natin ang Diyos kahit pa sa gitna ng unos na ating kinakaharap ngayon; kasama natin ang Diyos sa ating paglalayag,” ani ng Obispo.
Sa huli ipinapanalangin ni Bishop Ongtioco ang kagalingan at kaligtasan ng bawat isa mula sa banta ng COVID-19 sa lipunan.