297 total views
Maraming dapat isaalang-alang sa balak na isailalim sa land reform ang Isla ng Boracay.
Ayon kay Rev. Fr. Jose Tudd Belandres – Parish Priest ng Our Lady of the Most Holy Rosary Parish sa Boracay, bagamat maganda ang binabalak ng pamahalaan na ipamahagi ang lupa ay dapat ring matiyak kung saang lupain ang ipamimigay dahil hindi maaaring ideklarang lupang pang-agrikultura ang buong isla.
Ipinaliwanang ng pari na ang mga katutubo mismo ang nagdesisyon na ibenta ang kanilang lupain sa mga Negosyante at kung sakaling ipamamahagi ito ng Pamahalaan ay sila rin ang magiging Benepisyaryo.
“Yung mga katutubo mismo ang nagbenta ng lupain nila ay ibabalik na naman sa kanila tapos ibebenta naman nila kaya maraming Considerations ito to Address.” pahayag ni Fr. Belandres sa Radio Veritas.
Batay sa naunang pagsaliksik ng Department of Agrarian Reform, mahigit sa 800 ektarya ng lupa ang posibleng isailalim sa Comprehensive Agrarian Reform Program at ipamamahagi sa mga residente ng isla.
Dagdag pa ni Fr. Belandres dapat makatotohanan ang mga impormasyong naipararating kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa nasabing usapin upang maisasaayos ang pagpapatupad ng mga programa.
Samantala, ibinahagi rin ng pari na nakatanggap ng tulong mula sa mga Ahensya ng Pamahalaan ang mga residenteng nawalan ng trabaho dulot ng pagsasara ng isla ng Boracay.
Nagpapatupad ng cash for work ang ilang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development na nagpapasahod ng 353 – piso kada araw kung saan halos 2-libong indibidwal ang nakinabang.
Ang mga nabigyan ng trabaho ang nanguna sa paglilinis sa mga baybaying dagat, pagsira sa mga iligal na Istruktura at pagsasaayos sa mga Wetlands sa lugar.
Batay sa ulat ng DSWD halos 3-libong residente ang nakatanggap ng tulong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng 15-libong piso bawat isa sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program habang mahigit 10-libong Benepisyaryo naman ang binigyan ng Transportation Assistance na nagkakahalagang 24.8 milyong piso sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations program.
Magugunitang ipinasara ni Pangulong Duterte ang buong isla sa Publiko ng 6 na buwan na nagsimula noong ika – 26 ng Abril para sa rehabilitasyon.
Binigyang diin sa ensiklikal ni St. John Paul 2 na Laborem Excersens ang kahalagahan ng pagbibigay ng tamang pasahod at benepisyo sa mga manggagawa sa lipunan.