795 total views
Nanawagan ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa mga mambabatas na magsagawa ng masusing imbestigasyon at pag-aralan ang isinusulong ng Department of Education na ibilang ang ‘Same-Sex Union’ sa curriculum.
Ayon kay SLP President Raymond Daniel Cruz, Jr. hindi nararapat na isama sa Araling Panlipunan ang mga paksang may kinalaman sa ‘Same-Sex Union’ sapagkat labag ito sa mandato ng Section 13, Article II ng Saligang Batas na itaguyod ang moralidad at espiritwalidad ng mamamayan.
“The draft clearly promotes the ‘significance and advantages of same-sex unions’ and could have profound implications on the moral development of the nation’s youth,” bahagi ng pahayag ni Cruz.
Batay sa panukala ng DepEd ibibilang ang same-sex union sa revised K to 12 curriculum na layong palawakin ang kaalaman ng kabataan sa gender-based issues at himuking igalang ang bawat kasarian sa lipunan.
Una nang nanindigan ang simbahang katolika laban sa pagsasama at pag-aasawa ng kaparehong kasarian sapagkat ito ay labag sa utos ng Diyos.
Binigyang diin ni Cruz na dapat isaalang-alang ng mga mambabatas ang moralidad ng mga kabataan sa pagsusulong at paglikha ng mga programang kabilang sa mga asignatura ng mga eskwelahan.
“We call on our Legislators and Educators to consider a deeper probe in this very important matter and to call for a review of the entire draft,” giit ni Cruz.
Unang nanawagan si CIBAC partylist Representative Bro. Eddie Villanueva hinggil sa panukala sapagkat ito’y nakababahala para sa paghuhubog sa kaisipan ng kabataan.
Tiniyak ng simbahan ang pagpapaigting sa katesismo at pagbibigay ng sapat na kaalaman sa mamamayan lalo na sa kabataan lalo na sa mga usaping panlipunan kabilang na ang paggalang sa kasarian.