179 total views
Mapanganib ang mga pahayag sa media ng Pangulong Rodrigo Duterte na kaya niyang isantabi ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration pabor sa isinampang kaso ng Pilipinas laban sa China hinggil sa Maritime Entitlement ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay Fr. Ranhilio Aquino, Dean ng San Beda College Graduate School of Law, dalawang anggulo ang nakikita niyang ibig sabihin ng Pangulo na ang isa ay maglalagay sa alanganin sa bansa dahil sa international law, ang unilateral declarations ay binding.
Sinabi ng pari na darating ang araw, gagamitin ng China ang mga pahayag na ito ng Pangulo upang tuluyan at mas lalo pang balewalain ang desisyon ng arbitral tribunal.
“Very dangerous because unang una ang pahayag niya ayon sa press kaya niyang isantabi ang judgement ng arbitral tribunal now I want to see that there are two ways of interpreting that. Una kung ang ibig niyang sabihin huwag na munang pagtalunan ang mga karapatan ng Pilipinas sa ilalim ng desisyon na yan at makikipagkaibigan na muna tayo at later on tingnan natin kung paano maayos ang sigalot na ito, no problem diyan because it is a matter of foreign strategy and diplomatic negotiation. Pero kung ang ibig niyang sabihin, ay sa atin dito sa Pilipinas balewala ang desisyon ng arbitral tribunal, we are willing to ignore that ah walang karapatan ang isang pangulo na gumawa niyan kasi those are sovereign rights and the worst thing about that, sa international law kasi pag magbigay ng pahayag ang isang head ng state kahit walang kasulatan that can be binding on the state ang takot ko diyan later on under different administration or even under his administration, we will decide to pursue our claims, pwede sabihin ng China “eh sinabi na ninyo noon na balewala sa inyo ang desisyon ng arbitral tribunal” kasi sa international law ang unilateral declarations are binding,” pahayag ni Fr. Aquino sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, pahayag ng pari bagamat mas tila binibigyang bigat ngayon ng administrasyon ang ibinibigay na pabor ng China kumpara sa desisyon ng arbitral tribunal nararapat pa rin na ipagtanggol ni PD30 ang Saligang Batas at ang karapatan ng Pilipinas.
“Ang pinag-uusapan diyan ang karapatan na nauukol sa Republika ng Pilipinas sa ilalim ng Batas at hindi mo puwedeng ipamigay ang mga karapatan na yan dahil ang mandato ng presidente ipagtanggol ang Saligang Batas at ang karapatan ng Pilipinas.”
Una ng nangako ang China na magbibigay ng P700-milyon na halaga ng baril sa Pilipinas bilang tulong sa kampanya nito laban sa krimen at sa pagpapatayo ng mga rail stations sa Mindanao.
Una na ring ipinagmalaki ng Pangulo na kakampi nito ang China kayat hindi na aasa pa ang Pilipinas sa Amerika.
http://www.veritas846.ph/mga-isla-sa-west-philippine-sea-tunay-na-bahagi-ng-teritoryo-ng-pilipinas/
Una ng inihayag ni Apostolic Vicariate of Puerto Prinsesa Palawan Bishop Pedro Arigo na maganda ang makipagkaibigan at ang pagtulong ng China sa Pilipinas gayunman, aniya kailangan pa rin manindigan ng Pilipinas at huwag isuko ang karapatan sa pinag-aagawang West Philippine Sea sa South China Sea.