230 total views
Binigyang diin ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas na ang tunay na Simbahan ay ang mananampalataya lalu na ang kabataan at mga dukha.
Ayon sa arsobispo mahalagang mapangalagaan ang maliliit na sektor ng lipunan sapagkat ito ang daan ng pagpapanibago ng bawat tao habang ang pagtalikod sa kabataan at mahihirap ay nangangahulugang pagsasantabi kay Kristo.
“When we ignore the children, when we ignore the youth, when we ignore the poor, that is ignoring Christ,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Villegas sa Radio Veritas.
Ang pahayag ni Archbishop Villegas ay kaugnay sa pagtitipon ng mga kabataan sa Arkidiyosesis upang ipagdiwang ang World Communication Day na nakatuon sa kahalagahan ng sektor ng kabataan sa tungkulin ng pagmimisyon sa pamayanan.
Giit ni Archbishop Villegas sa paggabay at pagiging mabuting halimbawa sa mga kabataan naipapakita ng tao ang tunay na pagkalinga at pagmamahal sa kanilang sektor at maaring maging daan upang sumidhi ang mithiing maglingkod sa sambayanan.
“Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mabuting halimbawa, sa pamamagitan ng pagtuturo, sa pamamagitan ng paggabay, accompaniment, maipakikita natin na sila ay mahalaga para sa atin,” ani ng arsobispo.
Ang pagtitipon ay pinangunahan ng Social Communications Ministry ng Arkidiyosesis at dinaluhan ng 150 kabataan mula sa ibat ibang parokya.
Ang tema ng pagtitipon ay nakabatay sa tema ng Year of the Youth na Filipino Youth in Mission: Beloved, Gifted, Empowered.
Sa ika-53 World Communications Day ang ‘We are members of one another, from network communities to the human community’ kung saan binigyang diin sa mensahe ni Pope Francis ang wastong paggamit ng internet bilang pamamaraan ng paghahayag ng Salita ng Diyos.
Hinimok naman ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang mga kabataan na aktibong makibahagi sa misyon ni Kristo sa kapwa tao sa tulong ng social media lalo’t aktibo ang mga Filipino sa internet na batay sa tala ng Digital Report ng We are Social 67 porsyento sa kabuuang populasyon ng bansa ay may social media account.
Umaasa ang Arsobispo na sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga kabataan ay mas lumalim pa ang kanilang pananampalataya at mapagyabong pa ito lalo na sa kapwa kabataan.
“Nananawagan ako sa mga kabataan, kasi hindi lang kaming matatanda ang gagabay sa inyo, pwede namang youth serving youth, youth accompanying youth at sana lahat tayo matuto na maging kaagapay ng bawat isa,” giit ni Archbishop Villegas
Kabilang sa magbabahagi sa talakayan sina Fr. Jeffrey Segovia, Sr. Bob Lopez at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas.