1,787 total views
Mariing tinututulan ng NASSA/Caritas Philippines ang planong pagsasapribado sa mga pampublikong ospital sa bansa.
Ayon kay Caritas Philippines national director, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang planong hospital privatization ay salungat sa mandato ng pamahalaan na mabigyan ng maayos at abot-kayang serbisyong pangkalusugan ang mamamayan.
Sinabi ng Obispo na ang pampublikong ospital ang pag-asa ng mga ordinaryong Pilipino lalo na ang mga kapus-palad.
Iginiit ng Obispo na magiging mas malaking pasanin kung matutuloy ang balak ng pamahalaan gayong patuloy na tumataas ang halaga ng serbisyo at bilihin sa bansa.
“There shall be priority for the needs of the under-privileged, sick, elderly, disabled, women, and children. The State shall endeavor to provide free medical care to paupers.’ Private hospitals charge higher prices for services than public hospitals, and with rising costs of basic commodities, this would be another burden for ordinary Filipinos who are barely making ends meet,” bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Batay sa huling ulat ng United Nations Inter-Agency Group for Child Mortality Estimation (UN-IGME), mahigit 60,000 bata ang namamatay sa bansa taun-taon bago ang kanilang ikalimang kaarawan sanhi ng iba’t ibang komplikasyon at karamdaman.
Nakasaad din dito na posibleng maiwasan ang mga ganitong kaso kung pinagtutuunan at mayroong nakalaang pondo ang pamahalaan upang mapabuti ang serbisyong pangkalusugan lalo’t higit sa mga babae at bata.
Samantala, iginiit naman ni Caritas Philippines executive director Fr. Antonio Labiao, Jr. na kailangan ng Pilipinas ang karagdagang healthcare facilities lalo na sa mga malalayong komunidad.
Ayon sa pari, dapat na maglaan ang pamahalaan ng mas malaking pondo at mamuhunan para sa pagsasaayos at pagpapabuti sa sistema ng sektor ng kalusugan ng bansa.
“We’re not only talking about building new hospitals but also improving government hospitals to make sure they are giving quality and affordable services to everyone regardless of their socio-economic background,” bahagi ng pahayag ni Fr. Labiao.
Maliban naman sa mga pasilidad at serbisyo, binigyang diin din ng pari na dapat mamuhunan ang bansa sa pagbibigay ng sapat na benepisyo para sa mga healthcare workers.
Ipinaliwanag ni Fr. Labiao na mahuhusay ang medical workers ng Pilipinas ngunit hindi nabibigyang prayoridad ng gobyerno kaya’t mas pinipili na lamang maghanapbuhay at makipagsapalaran sa ibang bansa.
“The government should improve the welfare of our health care workers so they would be more encouraged to serve their fellowmen,” ayon kay Fr. Labiao.
Sa tala ng Department of Labor and Employment, ang entry level ng mga nurse sa mga pampublikong ospital ay nagkakahalaga ng P13-libo habang P10-libo naman sa mga nasa pribadong ospital.
Samantala, nasa mahigit 193,000 nurse naman na nakapag-aral sa Pilipinas ang nagtatrabaho sa ibang bansa, na kumakatawan sa 85 porsyento ng lahat ng mga nurse na sinanay sa bansa.