378 total views
Nanindigan ang Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) kasama ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) laban sa pagpapawalang bisa ng Department of National Defense (DND) sa UP-DND Accord.
Ayon kay Leon Dulce, National Coordinator ng Kalikasan PNE na hindi maaaring agarang itigil ng DND ang kasunduan dahil ito’y labag sa batas.
“Kailangang kilalanin ng DND na ilegal ‘yung ginawa nila. Hindi pwedeng basta-basta nalang umaatras sa kasunduan ng unilateral o ‘yung isang panig lang,” bahagi ng pahayag ni Dulce sa panayam ng Radio Veritas.
Inihalimbawa nito ang hindi patas na pagpapatupad ng batas at kasunduan lalu na tungkol sa kalikasan.
Ayon kay Dulce, kapag ang usapin ay hinggil sa kasunduan sa pagmimina ay napakabilis ng pamahalaan o korporasyon na bawiin ang unilateral na kasunduan subalit kapag ang mga lokal na pamahalaan o mga komunidad na ang humiling na umatras ay hindi ito pinahihintulutan at sa halip ay sinasabing dapat igalang ang kasunduan.
“Bakit kapag sa kasunduan sa pagmimina, napakadali para sa gobyerno o sa korporasyon na umatras ng unilateral, sa mga usapin? O kaya kapag may LGU o kaya mga komunidad na gustong umatras sasabihin, “Hindi. Dapat respetuhin n’yo ‘yung kontrata. Dapat respetuhin n’yo ‘yung kasunduan.” Hindi pantay ‘yung pag-apply ng ganung prinsipyo kung ganitong basta-basta aatras doon sa UP-DND Accord,” ayon kay Dulce.
Batay naman sa inilabas na pahayag ng grupo, nakasaad sa UP-DND Accord na hindi nabanggit dito ang tuluyang pagbabawal laban sa pagpapapasok sa kinasasakupan ng pamantasan at mga sangay nito, ngunit kailangan lamang ang kasunduan sa awtoridad ng Pamantasan.
Paliwanag pa ng pahayag, pinatunayan lamang ng DND na ang kanilang pagbawi sa kasunduan ay nagpapakita na hindi nila kayang galangin ang karapatan ng mga sibilyan laban sa militar, na nakatala sa 1987 Constitution.
Panawagan naman ni Dulce na nawa’y hayaan na lamang ang mga pampublikong pamantasan o State Universities na kanilang maipahayag ng malaya ang kanilang mga karapatan at saloobin para na rin sa ikabubuti ng lipunan.
Dagdag pa nito na huwag nang gamitan ng dahas ang mga katutubong mamamayan, mga magsasaka at iba pang nagtatanggol sa kalikasan at hayaan na lamang ang mga ito na mamahala sa kanilang mga likas na yaman.