165 total views
Kinatigan ng CBCP – Permanent Committee on Public Affairs ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin sa puwesto ang maraming Presidential appointee o political appointee sa mga sangay ng pamahalaan kung saan nagpapatuloy ang katiwalian.
Ayon kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles, chairman ng komisyon, dahil sa talamak na burukrasya sa ilang mga political appointees ay lalo lamang napapariwara ang mga ahensya dahil sa maling pamumuno at pamamalakad ng mga ito.
Kaya’t iminungkahi ni Archbishop Arguelles kay Pangulong Duterte na salain ang lahat ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan at bigyan ng natatanging posisyon ang mga tapat na lingkod bayan.
“Dapat naman, kasi masyadong bloated ang bureaucracy tsaka yung mga political appointees na yan ay part of corruption yan. I supposed na yung ibang head of agencies should be removed talaga kasi marami diyan ay duplication at tsaka masyadong maraming inilalagay na political favors. Mabuti hindi na lang stream line kundi yung gawing relevant, yung mga irrelevant ay tanggalin na niya para makatipid ang gobyerno dahil sa bureaucracy ang nakakapag – patagal pa lalo sa public services,”pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam ng Veritas Patrol.
Magugunitang ipinag-utos ng pangulo na bakantehin ang nasa isang libong posisyon sa gobyerno dahil sa pagpapatuloy ng katiwalian tulad ng Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at ang Government Service and Insurance System.
Patuloy namang isinusulong ng Simbahang Katolika ang pagiging tunay na lingkod bayan na matapat na nagse serbisyo para sa ikabubuti ng lipunan.