2,445 total views
Tiniyak ng pamunuan ng St. Joseph the Worker Parish sa Pandayan Meycauayan Bulacan ang pagpapalago sa pananampalataya sa iba’t ibang paraan ng ebanghelisasyon.
Ito ang pahayag ng kura paroko na si Fr. Ibarra Mercado sa matagumpay na pagdaraos ng ikawalong ‘Christmas Carosa Parade’.
Paliwanag ng pari na ang konsepto ng Christmas Carosa ay tugon sa hamon ng new evangelization ng simbahan at katumbas sa mga prusisyon tuwing Mahal na Araw na paggunita sa pagpakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus.
“Ito po ang naisip [ko] paano makatutulong sa pagtuturo ng ating pananampalataya, doktrina, aralin, at mga gawain ng simbahan…sa pamamagitan nitong ating mga carosas nakapagtuturo tayo ng naging buhay ng ating Panginoong Hesukristo noong siya ay bata pa hanggang lumaki at bumalik sa kanyang bayan sa Nazareth Galilea,” pahayag ni Fr. Mercado sa Radio Veritas.
Tampok sa pitong carosa na kabilang sa parada ang buhay ni Hesus mula nang ‘The Word became flesh and dwelt among us; The Annunciation; The Visitation; The Nativity; Presentation of Jesus in the Temple; Finding Jesus in the Temple; habang ang Santa Claus naman ang sumasagisag ng pakikipagkapwa at pagbibigayan tuwing ipinagdiriwang ang pasko ng pagsilang ni Hesus.
Sinabi ni Fr. Mercado na magsisilbing aral sa Christmas Carosa Parade ang paglalakbay ng tao tungo sa landas ng kaharian ng Diyos sa tulong at gabay ng Panginoong Hesus na ipinagkaloob ng Ama para sa katubusan ng sangkatauhan.
Umaasa rin ang pari na bukod sa kasiyahang maidudulot nito sa pamayanan ay magkaroon ng pag-asa ang mananampalataya sa kagalakang hatid ng Pasko lalo’t nahaharap sa iba’t ibang hamon ang daigdig tulad ng pandemya, kaguluhan at krisis pang ekonomiya.
Binigyaang diin ni Fr. Mercado na mahalaga ang pagsilang ni Hesus sapagkat ito ang tanda ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa kabila ng pagiging makasalanan ng tao.
“Hindi po maging makatotohanan ang pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesukristo kung walang sanggol na isinilang,” giit ng pari.
Pinasalamatan ni Fr. Mercado ang mananampalataya ng St. Joseph the Worker Parish gayundin pamahalaang pambarangay ng Pandayan na sumuporta sa gawain.
Ilan sa nakilahok sa parada ang The Cardinal Academy Inc., Parish Commission on Youth, Social Communication, Temporal Good, Family and Life SPPC Medallion Pandayan II, Commission on Evangelization, St. Anne Academy of Meycauayan, Commission on Liturgy, Commission on Social Action, at ang Batang Pandayan & Namwah Resto.
Ginanap ang parada mula Bulacan Sports Complex patungong kapitolyo kung saan ginanap ang Christmas Tree lighting ceremony ng lalawigan.