435 total views
Inihayag ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na si Hesus ang tunay na korona ng Mahal na Birheng Maria.
Ito ang pagninilay ng cardinal sa paggunita ng ika – 95 anibersaryo ng canonical coronation ng Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje o Birhen ng Antipolo.
Ipinaliwanag ng Kardinal na ang korona ng Mahal na Ina ay inialay para sa sanlibutan upang tubusin ang kasalanan ng tao.
“Tandaan natin na ang korona ni Maria ay hindi yung nakapatong sa ulo at gawa sa ginto at mga mamahaling bato; ang tunay na korona ni Maria ay si Hesus na dinala niya sa kanyang sinapupunan ng siyam na buwan ngunit nananatili sa kanyang puso habambuhay at ang koronang ito ay iniaalay niya sa atin,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Nagagalak si Cardinal Advincula na makalipas ang halos isang sentenaryo mula ng koronahan ang imahe ng Mahal na Birhen ay nakikita pa rin ang buhay at malagong debosyon ng mamamayan.
Binigyang pansin ng Kardinal ang pagdiriwang sa anibersaryo ng koronasyon ay kasabay ng pagpasok ng simbahan sa panahon ng paghahanda sa kapanganakan ni Hesus kaya’t hinikayat ang mananampalataya na gawing makabuluhan ang paghihintay sa pagdating ng Manunubos.
Sinabi ni Cardinal Advincula na dapat kapananabikan ang pagsilang ni Hesus na nagbibigay liwanag, kapanatagan, kapayapaan at pag-asa lalo na sa gitna ng matinding pagsubok ng pamayanan tulad ng karanasang dulot ng COVID-19 pandemic.
Ikinalungkot ng cardinal na marami ang nakalilimot sa Panginoon sa mga panahong nakararanas ng kaginhawaan.
“When every aspect of our lives is going well, we tend to forget God but when it gets tough we suddenly remember him, we go back to him and ask for his help, we treat God as a genie that we call on to only when we need him,” ani Cardinal Advincula.
Umaapela si Cardinal Advincula sa daang-daang deboto na dumalo sa pagtitipon na dinggin ang panawagan ng Mahal na Ina na tanggapin si Hesus sa bawat buhay upang makamtan ang kaligtasan.
November 28, 1926 ng putungan ng korona ang Our Lady of Peace and Good Voyage ni noo’y Manila Archbishop Michael O’Doherty sa seremonyang ginanap sa Luneta Manila.
Samantala sa panayam ng Veritas Patrol kay Norberto Mendoza, Chairman ng National Shrine Ministry inaanyayahan nito ang mananampalataya na makikiisa sa paghahanda sa ikaapat na sentenaryo ng pagdating ng imahe ng Mahal na Birhen ng Antipolo sa Pilipinas mula Mexico.
“Tayo po ay nagagalak at nagbubunyi dahil malapit na po ang 400 years ng ating Mahal na Ina at the same time 100 years ng kanyang canonical coronation sa 2026 kaya antabayan po ninyo ang aming mga announcements within 5 years maryroon pong mga events, bibisitahin po namin ang mga parishes,” pahayag ni Mendoza sa Radio Veritas.
Kasabay ng canonical coronation anniversary inilunsad din ng National Shrine Ministry ang official logo sa 5-year celebration ng 400-Years of arrival ng imahe.
Bukod kay Cardinal Advincula nakiisa rin sa pagdiriwang si Antipolo Bishop Francisco De Leon, Antipolo Auxiliary Bishop Noli Buco, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, Imus Bishop Reynaldo Evangelista, Military Bishop Oscar Jaime Florencio, mga pari ng diyosesis at ang religious men and women.