531 total views
Ikinadismaya ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang panibagong pagtataas ng singil sa kuryente ng mga konsyumer sa National Capital Region (NCR) at iba pang karatig lalawigan.
Ayon sa Obispo, hindi makatarungan na sisingilin sa mga consumer ang generation cost ng Manila Electric Company (MERALCO) noon taong 2013.
“How can they operate & pay their own people kung ang pautang ay napakalaki? Malaki siguro ang kita ng MERALCO pati na ang mga supplier nito, how can both operate with a huge amount of pautang? And for many years? Hindi pa pumapasok dito mga consumers,” ayon sa ipinadalang mensahe ni Bishop Ongtioco sa Radio Veritas.
Ipinapanalangin din ng Obispo na magkaroon pa rin ng pamaaraaan ang may mga pananagutan na malutas ang panibagong pasanin ng mamamayan na dumaranas ng kahirapan dahil sa napakataas na presyo ng mga bilihin.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng National Association of Electricity Consumer for Reform (NASECORE) ng mga hakbang na pipigilan ang nakatakdang pagtataas sa singil ng MERALCO.
“We’ll file Motion for Reconsideration today with the SC, Di tayo dapat mabahala dahil sa mas malaki ang Energy Regulatory Commission (ERC) order para sa Meralco refund na halos P50B,” mensahe ni Pete Ilagan – Pangulo ng NASECORE sa Radio Veritas.
2013 ng isulong ng Manila Electric Company (MERALCO) sa ERC ang layuning masingil sa mga konsyumer ang 22.64-bilyong pisong generation cost bunsod ng mga naganap na pagtigil sa operasyon ng mga planta ng enerhiya na pinagkukuhaan ng suplay ng MERALCO.
Bagamat naantala ng mahigit siyam na taon ang proseso, Hunyo 2022 ng aprubahan ng Korte Suprema na masingil ang halaga sa pamamagitan ng dahan-dahang pagtataas ng presyo sa buwanang singil sa kuryente.