380 total views
Hinihikayat ni Dumaguete Bishop Julito Cortes ang mananampalataya na patuloy na manalangin at magpasalamat sa mga biyaya ng Panginoon sa kabila ng mga pagsubok na dulot ng Novel Coronavirus at bagyong Odette lalo na sa Visayas region.
Ang panawagan ng Obispo ay kaugnay na rin sa nalalapit na Kapistahan ng Santo Niño o Pit Señor.
Giit ng Obispo na ang lahat ay mapagtatagumpayan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng bawat isa at sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos.
“I hope that the timeliness of the season is a sign that God is with us and helping us. In the midst of adversities, we will rise again,” ayon kay Bishop Cortes.
Ayon pa kay Bishop Cortes, masasalamin din sa sama-samang pagtutulungan at malasakit sa kapwa ang pagiging isa ng mga tao sa Panginoon upang muling makabangon mula sa iba’t ibang pagsubok.
Sa January 16, ipagdiriwang ng sambayang Katoliko ang Pista ng Batang Hesus sa kabila ng mga pagbabago dahil sa banta ng omicron variant ng COVID-19.
Bagamat maraming gawain ang naipagpaliban, sinabi naman ni Cebu Archbishop Palma na hindi nagbabago ang debosyon ng bawat mananampalataya.
Una na rin ipinag-utos ng Arkidiyosesis ang pagdiriwang ng misa ng bawat parokya para sa kapistahan upang maiwasan ang pagtitipon lalo na sa Basilica ng Santo Niño.
Ang panuntunan ng simbahan ay inihayag bago pa man itaas sa alert level 3 status ang Cebu City na magsisimula bukas.
Sa ilalim ng community status, ipinagbabawal ang paggala ng mga hindi pa bakunadong indibidwal lalo na sa mga shopping malls at closed door establishments simula bukas hanggang sa katapusan ng Enero.
Naitala naman sa pinakamataas na higit sa 30-libo ang kaso ng mga nahawaan sa loob lamang ng isang araw.
Typhoon Odette
Isang buwan matapos ang pananalasa ng bagyong Odette, patuloy din ang isinasagawang pamamahagi ng tulong ng Diyosesis ng Dumaguete sa nsasakupang lugar na napinsala ng kalamidad.
Ayon pa kay Bishop Cortes, 10 parokya na nasasakop ng Diyosesis sa bahagi ng Negros Oriental ang labis na napinsala ng bagyo.
Nagpapasalamat naman ang Obispo sa mga natanggap na tulong para sa kanilang mga kababayang nasalanta.
Kabilang ang Dumaguete sa tumanggap ng tulong mula sa Caritas Manila na nagkakahalaga ng 1.5 milyong piso bilang tulong at rehabilitasyon.