416 total views
Nararapat na seryosohin ng pamahalaan ang pagsugpo sa mga teroristang grupo na naghahasik ng kaguluhan at karahasan sa bansa.
Ayon kay CBCP Episcopal Commission on the Laity chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, dapat sugpuin ng pamahalaan ang bandidong grupo sa Mindanao kung saan sila nagmula hindi lamang sa lalawigan ng Bohol na ginamit lamang nilang diversionary tactics.
“Kailangan talagang sugpuin ang mga terorista hindi lang sa Bohol kundi sa pinanggalingan nila sa Mindanao, sa Sulu dapat lang talagang sugpuin, dapat seryosohin ang pag-neutralized ng grupong ito…” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Sa nakaraang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na isinagawa sa bansa, tinukoy ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na isang malaking sagabal at hadlang sa pag-unlad ng buong rehiyon ang mga pag-atake ng bandidong grupo at banta ng terorismo sa mga karatig bansa sa Asya.
Unang binigyang diin ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines na walang puwang ang terorismo sa bansa at nanawagan ng pakikiisa ng mga mamamayan upang sama-samang mabantayan ang buong pamayanan mula sa banta ng mga terorista.
Batay naman sa pagsusuri ng Global Terrorism Index noong 2013, pang-siyam ang Pilipinas sa mga bansang lubhang naaapektuhan ng terorismo na kagagawan ng mga grupong New People’s Army (NPA), Moro Islamic Liberation Front (MILF),Moro National Liberation Front, BIFF at Abu Sayyaf.