359 total views
Isuko ang sarili sa Panginoon.
Ito ang bilin ni Sanlakbay Minister at Archdiocese of Manila Restorative Justice Ministry priest-in-charge Fr. Roberto ‘Bobby’ Dela Cruz sa mga nagsipagtapos na drug addicts at surrenderers sa ilalim ng church initiative community-based drug rehabilitation program ng arkidiyosesis.
Ayon kay Fr. Dela Cruz, ang pagsuko ng buong pagkatao sa Diyos ang huling hakbang na dapat gawin ng mga indibidwal na minsang nalulong sa bisyo upang maging ganap ang kanilang pagbabagong-buhay.
“Ngayon ay sumuko kayo sa pamahalaan. Ang susunod na hakbang dito ay sumuko kayo sa Diyos kasi do’n yung kaganapan talaga ng pagsuko natin. At kapag sumuko tayo sa Diyos ay makakakilos ang Diyos sa buhay natin,” pahayag ni Fr. Dela Cruz.
May 139 drug surrerderers ang nagtapos sa ilalim ng Sanlakbay program mula sa 12 parokya sa Arkidiyosesis ng Maynila habang 18 pang mga parokya ang inaasahang magbubukas ngayong taon.
Sa pamamagitan ng counselling, spiritual at values formation, ang Sanlakay o isang Paglalakbay Tungo sa Pagbabagong Buhay ay anim na buwang rehabilitation program na naglalayong bigyan ng bagong pag-asa at ilapit sa Panginoon ang mga indibidwal na nalulong sa ipinagbabawal na gamot katuwang ang Philippine National Police, Department of Interior and Local Government at Philippine Drug Enforcement Agency.
Sa kanilang pag-uusap sa Roma, inihayag ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na labis na ikinatuwa ng Santo Papa ang adhikain ng Sanlakbay at nais na ipagpatuloy pa sa nasimulan ng programa.
Ika-21 ng Oktubre nang ipagdiwang ng simbahang katolika ang kauna-unahang anibersaryo ng Sanlakbay sa ilalim ng temang ‘Butil ng Nagkakaisang Pag-asa, Hitik sa Bunga’ na ginanap sa Manila Cathedral.