12,717 total views
Kapanalig, lahat na yata tayo nakatutok na sa social media lagi at nakalimutan na natin ang pagbabasa ng libro. Marami na sa ating mga kabataan ang hindi nakakaranas ng saya at ligaya, excitement at thrill, ng higit na karunungan, na makukuha natin sa pagbabasa ng libro.
Ang pagbabasa ng libro ay isa sa mga gawain na mahalaga sa kahit anumang bansa. Sa ating bayan kung saan marami ang naniniwala na ang kaalaman ay kayamanan, nakakalungkot na 9 sa 10 batang mag edad 10 ay hirap magbasa, base sa isang pag-aaral ng World Bank noong 2022. Maliban pa dito, sa isang pag-aaral ng OECD, tayo ang may pinakamababang reading comprehension sa mga 79 na bansa na kanilang survey noong 2018.
Malaking hamon ito, kapanalig. Paano ba natin mapapalakas ang pagbabasa ng libro sa ating bansa ngayong napakalakas na kumpetisyon sa atensyon ng mga bata ang social media pati online games?
Siguro, kapanalig, isang mabisang paraan ay ang pagsisimula nito sa ating tahanan. Habang bata pa lamang, sanayin na natin sila sa pagbabasa sa pamamagitan ng pagbabasa din natin sa kanila. Sa halip na mag doom scroll tayo ng cellphone bilang pampatulog, basahan natin ng mga istoryang pambata ang ating mga anak.
Ang pagbabasa sa bahay ay mapapalawig pa natin kung mismo sa ating mga pamayanan ay may accessible na libraries o aklatan para sa mga bata sa mga public spaces gaya ng mga playground at community centers. Mas marami ang mapupukaw na atensyon nito at mabibigyan ng iba ibang opsyon ng libangan ang mga kabataan.
Sa paaralan, maaaring magtaguyod ng mga book clubs para liban sa paggamit ng libro ng pagtuturo, magagamit din ito ng mga kabataan para sa pagpapalawig ng kanilang kaalaman sa ibang topics o tema, pati kultura, kasaysayan, at tradisyon, hindi lamang ng ating bansa, kundi sa ibang bansa din. Dito rin maaaring mag-umpisa ang kanilang atraksyon para sa iba’t-ibang uri ng propesyon at expertise.
Dapat makita natin, kapanalig, na ang pagbabasa ng libro ay hindi lamang extra-curricular activity kundi isang way of life – bahagi ng ating buhay. Nagpapalalim ito ng ating kaalaman at karanasan. Pinupukaw nito ang ating kaisipan at damdamin, at nagbibigay ng inspirasyon sa ating buhay. Kapanalig, isama na natin dapat dito ang pagbabasa ng Bibliya. Sana, kahit pa naglipana ang mga gadgets na dala ng modernisasyon at teknolohiya, huwag nating kalimutan ang pagbabasa ng aklat.
Kapanalig, si Pope Francis ay isang halimbawa ng isang tao na mahilig magbasa. Sa kanyang mensahe sa mga kalahok sa isang conference ng La Civilta Cattolica at sa Georgetown University, sinabi nya: I have loved many poets and writers in my life… the words of those authors helped me to understand myself, the world and my people, but also to understand more profoundly the human heart, my personal life of faith, and my pastoral work, even now in my present ministry. Literature is like a thorn in the heart; it moves us to contemplation and sets us on a journey. Sana’y gayahin natin ang kanyang halimbawa.
Sumainyo ang Katotohanan.