4,815 total views
Ang Mabuting Balita, 8 Marso 2024 – Marcos 12, 28-34
PAGSUNOD
Noong panahong iyon, lumapit ang isa sa mga eskriba kay Jesus at tinanong siya, “Alin pong utos ang pinakamahalaga?” Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos, ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” “Tama po, Guro!” wika ng eskriba. “Totoo ang sinabi ninyo. Iisa ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng kanyang sarili ay higit na mahalaga kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin, at iba pang mga hain.” Nakita ni Jesus na matalino ang kanyang sagot, kaya’t sinabi niya, “Malapit ka nang mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong kay Jesus mula noon.
————
Hindi sinabi ni Jesus sa eskriba na siya ay kabilang na sa mga pinaghaharian ng Diyos, kundi malapit na siyang mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang maging maalam tungkol sa mga utos ay isang bagay lamang, ngunit ang pinakamahalaga ay ang PAGSUNOD sa mga ito upang mapabilang sa pinaghaharian ng Diyos.
Panginoong Jesus, kailangan namin ang iyong Espiritu upang tulungan kaming ibigin ang Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas; at ibigin ang aming kapwa gaya ng aming sarili.