210 total views
Ito ang inihayag ni Cebu Auxiliary Bishop Oscar Jaime Florencio hinggil sa nalalapit na pagdiriwang ng Kapistahan ng Sr. Sto. Niño sa Cebu City sa ika – 20 ng Enero.
Ayon sa Obispo, ito ay paalala sa bawat mananampalataya na ang batang Hesus ay gumagabay sa sambayanan ng Diyos ng may kababaang loob at paglilingkod sa kapwa.
“It’s not just all about the celebration of the birth of Jesus but also more of following His principle and the teaching,” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng administrator ng Military Diocese na ito rin ay magandang pagkakataon upang higit pang mapalalim ng mga mananampalataya ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon sa pamamagitan ni Sr.Sto. Nino na nagpapakita ng kaniyang kabanalan, at pagiging masunurin sa Diyos Ama.
Sinabi ng Obispo na mahalaga rin ang pagdiriwang sa mga kabataan sa pagdideklara ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ng Taon ng mga Kabataan.
Naniniwala ang Simbahan na malaki ang maitutulong ng sektor ng kabataan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita at mga katuruan ng Simbahan dahil sa kanilang angking kakayahan.
“It has impact importance on the young people of today because they play an important role in the church and in the society,” ani ng Obispo.
Tema sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Sr. Sto. Nino at ng Sinulog ang “Santo Niño: Guide of God’s Children to Humility and Service”.
Paalala ni Bishop Florencio sa mga kabataan na isabuhay ang tema ng Year of the Youth ang Filipino Youth in Mission: Beloved, Gifted, Empowered kung saan iniibig ng Diyos ang mga kabataan at biniyayaan ng talento at talino.
Ipinagdarasal ng Obispo na gamitin ng bawat kabataan ang biyayang ipinagkaloob ng Panginoon sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita lalo na sa mga nanamlay ang pananampalataya upang maging kaisa sa misyon ni Hesukristo na gabayan ang sangkatauhan.
SINULOG FESTIVAL
Ang halos apat na dekadang Sinulog Festival sa Cebu City ay dinadaluhan ng libu-libong mananampalatayang Filipino mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at maging ng mga dayuhan.
Ito ay isang uri ng sayaw para magbigay parangal sa mapaghimalang imahe ng Sr. Sto. Niño kung saan tampok dito ang iba’t ibang mga grupong sumasali sa taunang patimpalak.
Kaugnay dito, inaanyayahan ni Bishop Florencio ang mamamayan na makiisa sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Sto. Niño at makigalak sa Sinulog Festival.
Subalit ipinapaalala ng Obispo sa mga nais dumalo ng Sinulog na gamitin ang pagkakataon na magpasalamat at makipag-ugnayan sa Panginoon at hindi sa di makabuluhang mga bagay.
“We have to be careful because our intentions might not be purified if you are just going there for tourism, going there para mamasyal, mawawala ang focus natin sa celebration sa Sr. Sto. Nino,” paalala ni Bishop Florencio.
Hinimok din ng Obispo ang lahat na iwasang magumon sa konsumerismo dahil ito ay makamundong bagay lamang dahil ang tunay na diwa ng pagdiriwang ay para sa ikauunlad ng buhay ispirituwal ng mananampalataya.
“Most important we are all encouraged to pray and ask the favor to God thru Sto. Niño because first and foremost this Sto. Niño has something to do with our spiritual life.” Pahayag ng Obispo.